CALABARZON — Patuloy na namamayagpag ang mga iligal na sugal sa mga lungsod at bayan ng Laguna at Batangas sa kabila ng umiiral na batas na Republic Act 9287 na naglalayong sugpuin ang lahat ng uri ng sugal na walang pahintulot ng pamahalaan.
Sa kabila ng mga paalala at mga naunang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, kung saan nabigyang-diin ang bigat ng parusang kaakibat ng PD 1602 at RA 9287, tila nagiging alaala na lamang ito para sa mga kinauukulang opisyal ng batas. Lantaran pa rin ang operasyon ng mga “color games,” “drop ball baraha,” at iba pang sugal lupa na ginagamit bilang front ang mga peryahan sa mga pampublikong lugar sa mga lungsod ng Santa Rosa, Biñan, Cabuyao, at San Pedro sa Laguna.
Ayon sa sumbong ng mga residente, kabilang sa mga matagal nang itinuturong protektor ng mga ilegal na aktibidad ang ilang opisyal ng pulisya sa rehiyon. Nanatiling tahimik at walang konkretong aksyon sina PBGEN Paul Kenneth Lucas ng PRO CALABARZON, PCOL Ricardo Dalmacia, provincial director ng Laguna PNP, at PCOL Jacinto Malinao ng Batangas PNP sa kabila ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga mamamayan.
Itinuturong mga gambling operator sa Laguna ang mga alyas Judith, Baby P., Edu, Elmer, at Rommel na umano’y may matibay na koneksyon sa ilang opisyal ng pulisya at lokal na pamahalaan. Sa Batangas naman, laganap din ang mga iligal na sugalan sa San Pascual, San Juan, Balayan, Lipa, at Malvar na pinamumunuan umano ng mga alyas Jayson Tomboy, Jovel, Sheryl, Annie, at Yolly.
Sa mga lugar na ito, umaabot sa 10 mesa ng sugal ang makikita gabi-gabi sa loob ng mga perya—tila isang mini-casino na lantaran ang operasyon. Ayon sa impormasyon, hindi bababa sa P500 hanggang P2,000 kada gabi ang itinataya ng mga menor de edad sa mga sugalang ito.
Tanong ngayon ng taumbayan, paano ito nakakalusot sa ilalim ng paningin ng mga PNP official? At bakit tila wala umanong aksyong inilulunsad ang mga ito laban sa mga operator?
Dahil dito, nananawagan ang mga mamamayan sa pambansang pamahalaan, partikular kina PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil at DILG Secretary Jonvic Remulla, na agarang imbestigahan ang kawalang-aksiyon ng mga hepe ng pulisya sa mga nabanggit na lalawigan.
Tutukan! (Latigo Reportorial Team)