KATUWANG BA TALAGA ANG GOBYERNO NG MANGGAGAWA?

Tuwing Mayo Uno, hindi pwedeng hindi natin balikan ang tanong: kumusta na nga ba ang kalagayan ng manggagawang Pilipino? At ngayong taon, muling nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang gobyerno ay magiging “aktibong katuwang” ng mga manggagawa.
Magandang pakinggan, ‘di ba? Lalo na kapag sinabing ang pamahalaan ay hindi lang tagamasid, kundi kasama mismo sa pagsulong ng isang “Bagong Pilipinas.” Pero bilang ordinaryong Juan at Juana na araw-araw bumabangon para magtrabaho—sa opisina man, sa pabrika, o sa labas ng bansa—sapat ba ang mga ganitong pahayag?
Sa Labor Day fairs ng DOLE, may halos 216,000 trabaho raw na inialok. Maganda ito, lalo na para sa mga kababayan nating matagal nang naghahanap ng pagkakakitaan. Dagdag pa rito, may ­libreng sakay sa MRT at LRT mula April 30 hanggang May 3. Isang malaking ginhawa lalo na sa mga commuter nating araw-araw sumasakay kahit siksikan at mainit.
Pero ito ang tanong ng ilan: pagkatapos ng libreng sakay at job fair, ano na? Ang sahod ba ay tumataas kasabay ng bilihin? May sapat bang proteksyon ang mga manggagawa sa kanilang pinapasukan? Kumusta ang mga kontraktuwal, ang mga delivery rider, ang mga OFW na patuloy na nagsasakripisyo para sa pamilya?
Sa hiwalay na pahayag ni VP Sara Duterte, kinilala niya ang lahat ng uri ng manggagawa—mula sa guro, frontliners, community workers, hanggang sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Isang pagpupugay na karapat-dapat naman talaga.
Pero sana, hindi lang pagpupugay, kundi tunay na suporta—mas mataas na sahod, benepisyo, at dignidad sa trabaho.
Mga kababayan, ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ay hindi lang tungkol sa parada o libreng sakay. Panahon din ito para maningil, magtanong, at manindigan: Nasaan na ang tunay na pagbabago para sa manggagawa?
Kaya habang sinasabi ng gobyerno na “katuwang” sila ng manggagawa, tayo naman ang dapat magmatyag: Katuwang ba talaga, o hanggang salita lang? (Kian Q)

Spread the love

MALAYSIAN PM AT PBBM, NAG-USAP TUNGKOL SA HAKBANG TUNGO SA MAS MATATAG NA ASEAN

PCG WELCOMES DOTr OFFICIALS INTO COAST GUARD AUXILIARY SERVICE