SENADO – Tumugon na ang kampo ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa ipinadalang summon ng Senado kaugnay ng inihaing impeachment complaint laban sa kanya.
Bandang 5:49 ng hapon ngayong araw, dumating sa Senado ang kinatawan ni VP Sara para pormal na ihain ang tinatawag na “answer ad cautelam” o ang sagot ng kanilang kampo na may kalakip na pag-iingat.
Tinanggap ito ng Senate Secretary Renato Bantug Jr., na siya ring tumatayong Clerk of Court ng Impeachment Court.
Ayon kay Bantug, ang “answer ad cautelam” ay isang paraan para ipakita na bagama’t naghain ng tugon ang kampo ni VP Sara, hindi pa ito ang kabuuan ng kanilang depensa—may posibilidad pa raw na maghain sila ng karagdagang argumento habang umuusad ang proseso.
Sa 35-pahinang dokumentong isinumite, mariing iginiit ng kampo ni VP Sara na dapat agad na maibasura ang impeachment complaint. Isa sa kanilang pangunahing argumento ay ang “void ab initio,” na nagsasabing wala nang bisa ang reklamo mula pa sa simula, dahil labag umano ito sa “one-year bar rule” na nakasaad sa Section 3, Article XI ng Saligang Batas.
Bilang bahagi ng proseso, ipapamahagi ang kopya ng nasabing tugon sa Presiding Officer ng Impeachment Court na si Senador Chiz Escudero, sa mga senador na magsisilbing hukom, at sa tagapagsalita ng korte na si Atty. Reginald Tongol.
Nauna na rin daw nakatanggap ng kopya ang House Prosecution Panel.
Ngayon na may opisyal nang sagot ang kampo ni VP Sara, bibigyan naman ng hanggang limang araw ang panig ng House Prosecution Panel para ihain ang kanilang tugon.
Abangan ang susunod na kabanata ng impeachment drama na ito—tiyak, mainit at makasaysayan.