LIPA CITY, Batangas — Patuloy ang paghahatid ng serbisyong panlipunan ng pamahalaan para sa mga maralitang Pilipino matapos bumaba sa lungsod si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chairperson at CEO, Hon. Meynard A. Sabili, upang personal na ipaabot ang proyekto nilang “Kalusugan at Kabuhayan para sa Maralitang Kababayan.”
Sa kanyang pagbisita sa Lipa Public Market, Barangay Mabini, at Barangay 7, katuwang ni Chairman Sabili ang PhilHealth sa ilalim ng KonSulta Program at ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng access ang mga residente sa serbisyong pangkalusugan at oportunidad sa kabuhayan.
Layunin ng proyektong ito na maitaas ang kalidad ng buhay ng mga urban poor sa lungsod, hindi lamang sa aspeto ng kalusugan kundi pati na rin sa aspeto ng pagkakaroon ng matatag at maayos na hanapbuhay.
Binibigyang-diin ni Sabili na ang pag-unlad ng bansa ay nagsisimula sa pagbibigay ng tamang atensyon sa kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan. Patunay dito ang aktibong pagsuporta ng PCUP sa mga programang tunay na makabuluhan para sa mga mamamayang nangangailangan.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan na mapalapit ang serbisyo sa mga komunidad at matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa landas ng pag-unlad. (Latigo Reportorial Team)
