Kabayan may liwanag para sa mga bataang filipino at maging sa mga magulang, guro, at lokal na pamahalaan, na dekada nang nangangarap ng mas maayos na kinabukasan para sa ating mga anak.
Dahil nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12199 o ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act nito lamang Mayo 8 2025.
Ito ay para sa edukasyon at pag-aalaga ng mga batang Pilipino mula sa kanilang pagsilang hanggang ika-walong taong gulang.
Lubhang mahalaga ito mga igan? Dahil batid ng marami na ang unang walong taon ng isang bata ang pinaka-kritikal sa kanyang pag-unlad, dito kasi hinuhubog ang asal, ugali, at maging ang kanyang mga pangarap at pag-asa.
Sa dati nating sistema, maraming bata ang napag-iwanan, kulang kasi ang mga day care centers, kulang sa mga guro na may sapat na training o pagsasanay.
At kulang na kulang din ang suporta mula sa ating pamahalaan.
Base sa datos, 36% lang ng mga barangay sa atin ang may sariling Child Development Center!
Ang Republic Act. 12199 ang nakikitang mabisa na paraan sa ilang mga kakulangan, malinaw kasi na ang mandato nito na bawat Local Government Unit, dapat mayroon silang ECCD office at sapat na pasilidad.
At hindi na rin basta honorarium lang ang matatanggap ng mga Child Development Workers, may plantilla positions na at mas mataas na sahod.
Higit sa lahat, bibigyang pansin ang mga batang may kapansanan at mga galing sa pinakamahihirap na pamilya.
Kabayan, hindi madali ang pagpapatupad nito, kailangan kasi ng sapat na pondo, training, at tunay na malasakit mula sa LGU hanggang sa national government.
Subalit kung magtutulungan tayo, hindi ito imposible, Kaya sa mga magulang, guro, at mamamayan, bantayan natin ang pagpapatupad ng batas na ito.
Sama-sama nating gawing makatotohanan ang ating mga pangarap para sa bawat batang Filipino.
***
PROBLEMA NG MGA SILID-ARALAN,NASILIP NA NG MGA POLITIKO.
Mga igan, nasilip at nakita ng mga kandidato ang ilan sa mga problemang kinakaharap
ng Department of Education(DepEd) kaugnay sa mga pasilidad tulad ng mga classrooms sa katatapos lang na halalan.
Ilan sa mga kandidato na naghihintay na lamang ng proklamasyon para aralin at tugunan ang sitwasyon ng mga eskwelahan.
Nais na nilang solusyunan ang mga napansing problema sa loob ng mga paaralan sa katatapos na halalan.
Bagama’t naging maayos at sistematiko naman ang naging proseso ng kanilang pagboto nitong nakaraang Lunes Mayo 12 sa ilang paaralan sa National Capital Region at karatig probinsiya.
Ilan sa mga dapat palitan ang mga armchair na sobrang luma, tabingi, kulang na sa turnilyo at maluwag na sumayasayaw, na maaaring makaaksidente pa sa mga mag-aaral.
May mga ceiling fans na luma at hindi na rin gumagana at ang mga bintana na naka-grills na at naka-chicken wire pa na malaking banta sa kaligtasan kapag nagkasunog.
Mismong mga politiko ang nakapansin at maaaring pagtuunan ng pansin ang mga ganitong problema sa mga pampublikong paaralan upang mailagay sa maayos na kalagayan ang mga mag-aaral sa darating na pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 2025.
Bueno abangan natin ang mga sususnod na kabanata,kung may politiko na totoo na makaka-isip na ayusin ang problema ng mga mag-aaral sa Bansa
Para sa inyong mga reklamo at reaksyon magsend lamang sa thony.arcenal@gmail.com
