JAD RACAL TULOY ANG LABAN SA IKAANIM NA DISTRITO NG BULACAN

STA. MARIA, BULACAN — Mariing kinontra ng legal counsel ni Ginoong Jad Racal, tumatakbong Kongresista sa Ikaanim na Distrito ng Bulacan, ang pahayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na tila tinatawanan at inalaska pa ang patuloy na pangangampanya ni Racal kahit hindi umano ito kabilang sa opisyal na balota.
Sa isang Facebook post, nilinaw ni Atty. Abraham Espejo na ang diskwalipikasyon kay Racal bilang “nuisance candidate” ay hindi pa pinal at kasalukuyang nasa ilalim ng pagdinig sa Korte Suprema. Aniya, pinasagot pa ng Supreme Court ang COMELEC at si incumbent Congressman Ador Pleyto kaugnay ng petisyon na inihain ng kampo ni Racal.
“Una sa lahat, pinakamahalagang komentong aking ibibigay ay ganito — ANG KASONG ITO AY HINDI PA TAPOS!” giit ni Atty. Espejo.
Dagdag pa niya, humiling pa umano ng extension of time ang COMELEC at ang kampo ni Pleyto upang makasagot sa nasabing petisyon, na nagpapakitang seryoso at may bigat ang isyung kinahaharap.
Nilinaw rin ni Espejo na ang sinasabing “residency issue” na pinagbabatayan ng diskwalipikasyon ay isa nang natalakay at napagdesisyunan sa ibang kaso na kinasangkutan din ng COMELEC.
Ipinunto niya ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ng Malolos City na pumabor kay Jad Racal, kung saan kinilala ng korte ang kanyang paninirahan sa Barangay Sta. Cruz (Poblacion), Angat, Bulacan.
Bilang resulta, binawi ng RTC ang naunang desisyon ng Municipal Trial Court ng Angat na hindi kinikilala ang voter registration ni Racal, at inatasan ang Election Registration Board na ibalik ang kanyang pangalan sa listahan ng mga botante.
“Ito ang pinakaimportanteng punto… itong nuisance petition na ito na ginawa ng COMELEC ay nakabase sa residency issue, na nagkaroon naman ng desisyon sa ibang kaso — COMELEC din ang kalaban pero RTC ang nagdesisyon at panalo si Jad Racal,” pahayag ni Espejo.
Dahil dito, kinuwestiyon ngayon kung paano magiging epektibo ang diskwalipikasyon kung mismong korte na ang kumilala sa legal na paninirahan ni Racal sa nasabing lugar.
Nanawagan din si Espejo sa mga taga-Distrito Sais na patuloy na manalig sa proseso at sa Korte Suprema.
“Gusto ko lang po ipahatid sa ating mga kababayan, na manalig lamang po tayo sa Korte Suprema. Hindi naman po bulag ang Korte Suprema… magkakaroon po tayo ng hustisya sa kasong ito,” pagtatapos ni Atty. Espejo.
Samantala, nananatiling positibo ang mga taga-suporta ni Jad Racal at patuloy ang kanilang paniniwala na magtatagumpay ito sa kabila ng mga kinakaharap na hamon. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

LATIGO APRIL 7-13, 2025 ISSUE

MARCOLETA, PASOK SA MAGIC 12 NG PULSE ASIA