QUEZON CITY — Humingi na ng tulong sa Department of Justice (DOJ) ang kandidato para pagka-kongresista sa ika-6 na Distrito ng Bulacan na si Jad Racal, matapos umano siyang tangkaing ipapatay ng kanyang mga kalaban sa pulitika.
Isinampa ni Racal ang kasong attempted murder at paglabag sa Anti-Terror Law laban kina Salvador Pleyto, Major Giovanni Pagaduan, Russel Pleyto, Salvador Pleyto Jr., at Lloyd Madulid.
Sa ginanap na press conference sa Quezon City, inilahad ni Atty. Abraham Espejo na pinlano ang tangkang pagpatay kay Racal ng mga suspek na lulan ng tatlong motorsiklo. Ayon sa abogado, nagpanggap ang grupo bilang mga humihingi ng tulong ngunit kalauna’y bumunot ng baril at nagpaputok, dahilan upang sila ay maaresto.
Base sa judicial affidavit ng suspek at ilang testigo, inamin ni Lloyd Rodriguez Madulid — na kasalukuyang nakakulong — na may direktang plano silang patayin si Racal.
Sa imbestigasyon ng pulisya, narekober mula kay Madulid ang isang granada, baril, at mga bala. Lumabas rin sa imbestigasyon na si Madulid ay isang drayber na tumatanggap ng iba’t ibang “raket” gaya ng paghatid-sundo ng estudyante, at may kaugnayan umano sa isang major ng Philippine Army.Dagdag pa ni Atty. Espejo, sinalakay rin ng mga kalalakihang naka-itim at naka-bonnet ang negosyo ni Racal, na lalo pang nagpapalakas ng hinala ng political harassment.
Ayon sa kampo ni Racal, isa sa mga suspek ang unang nahuli at umano’y itinuro ang mga pangalan nina Pleyto at Maj. Pagaduan bilang utak ng krimen.
Nagpahayag din si Racal ng pangamba para sa seguridad ng kanyang mga tagasuporta, lalo na tuwing gabi habang nangangampanya, dahil umano sa presensya ng mga kahina-hinalang motorsiklong sumusunod sa kanilang grupo — bagay na labis nang ikinatatakot ng kanyang mga tagasuporta.Nananawagan ngayon si Racal ng agarang aksyon mula sa DOJ at mga kinauukulan upang maprotektahan hindi lamang ang kanyang buhay kundi pati na rin ang kaligtasan ng kanyang kampanya. (Latigo Reportorial Team)
