QUEZON PROVINCE – Patuloy ang pag-igting ng panawagan mula sa mga residente, lokal na opisyal, at civic groups sa Quezon Province para imbestigahan ang umano’y talamak at malakihang operasyon ng illegal gambling sa lalawigan na sinasabing pinababayaan ni Police Colonel Romulo Albacea, Provincial Director ng Quezon PNP.
Matapos ilabas ng pahayagang ito ang mga ulat hinggil sa umano’y pangongolekta ng lingguhang “tara” ni Sgt. Kimura mula sa mga pasugalan, mas marami pang reklamo at impormante ang ipinarating sa ating tanggapan.
Ayon sa kanila, patuloy ang operasyon ng mga pasugalan, maging sa mga lugar na malapit sa himpilan ng pulisya, dahil umano sa “matibay na proteksyon” mula sa mga nasa mataas na posisyon.
Walang harimunan at awa kung mang-bukol diumano si ALYAS SGT. KIMURA na siyang umiikot at nangongolekta sa mga pasugalan sa nasabing lalawigan. Umaaaray ang mga pasugalan na akala mo ay legal at pinapayagan ng batas ang kanilang operasiyon.
Dahil dito, umapela ang mga residente at lokal na lider kay PBGEN Jack Wanky, Regional Director ng CALABARZON PNP, na personal na busisiin at imbestigahan ang reklamo ng mga taga-Quezon. Giit nila, hindi dapat manatiling nakapikit ang pamunuan ng rehiyon sa napakalalang operasyon ng illegal gambling sa probinsya.
“Kung hindi kikilos ang regional director, parang binibigyang-lisensya na rin ang mga pasugalan para patuloy na mag-operate. Hindi lang ito usapin ng batas, usapin din ito ng moralidad at kapakanan ng mga mamamayan,” pahayag ng isang community leader.
Bukas pa rin ang pahayagang ito para sa panig nina PCOL Albacea at PBGEN Wanky, upang marinig ng mga mamamayan ng Quezon.
Patuloy ang panawagan ng publiko para sa agarang aksyon at masusing imbestigasyon upang tuluyang masugpo ang sugalan sa Quezon Province. (Latigo Reportorial Team)




