CAMP CRAME, QUEZON CITY — Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at bilang bahagi ng pambansang layuning pangalagaan ang demokrasya, isinagawa ng Philippine National Police (PNP) ang malawakang Post Assessment Report at Pagsusuri sa katatapos na 2025 National and Local Elections (NLE) noong Mayo 20, 2025. Pinangunahan ito ni Deputy Chief PNP for Administration, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Layunin ng pagtitipong ito na masuri ang naging performance ng PNP sa panahon ng halalan. Sa kabila ng ilang insidente, kinilala ang halalan bilang isang mapayapang kaganapan—isang tagumpay na iniugnay sa matinding dedikasyon at koordinadong operasyon ng mga yunit ng PNP sa buong bansa.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni PLTGEN Nartatez ang mahalagang papel ng mamamayan, ang propesyonalismo ng mga pulis, at ang tiwala ng komunidad sa naging tagumpay ng eleksyon. Aniya, “Ang tagumpay ng 2025 National and Local Elections ay bunga ng aktibong partisipasyon ng publiko, ang pagiging propesyonal ng ating mga pulis, at ang tiwalang ibinibigay sa amin ng mga komunidad na aming pinaglilingkuran.
Sa hinaharap, patuloy naming pagtitibayin ang pundasyong ito, tinitiyak na ang bawat halalan ay magsisilbing patunay ng aming dedikasyon sa kapayapaan at demokrasya.”
Bilang paghahanda sa mga susunod na halalan, kabilang na ang Bangsamoro Parliamentary Elections, inilatag ng PNP ang mga hakbang upang mas mapaigting ang kanilang kahandaan at operasyon.
Isa na rito ang patuloy na suporta sa perception management teams ng mga Police Regional Offices (PROs), na napatunayang epektibo sa pagtugon sa mga isyung kinaharap ng organisasyon.
Kasabay nito, inilunsad na rin ng PNP ang roll-out ng TG PCR Community Survey na layuning sukatin ang kasiyahan ng publiko sa naging papel ng PNP sa eleksyon at upang matukoy ang mga dapat pang pagbutihin.
Ang 2025 National and Local Elections ay itinuturing na isa sa pinakamaayos at pinakamapayapang halalan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sa panibagong yugto ng pagseserbisyo, nananatiling matatag ang PNP sa adhikaing maging isang “Mahusay, Matatag, at Maasahan na Kapulisan”—isang makabagong pulisya para sa isang makabagong lipunang Pilipino.(Latigo Reportorial Team)
