GRADE 13, FAKE NEWS AYON SA DEPED!

Kamusta na, kaibigan? Napansin mo na ba yung post sa Facebook nitong mga nakaraang araw? Oo, yung kumakalat na balitang magkakaroon daw ng Grade 13 sa darating na school year. Aba’y marami ang napa-‘Hala, totoo ba ‘to?’ Pero bago tayo magpanic at bumili ng bagong notebook para sa “Grade 13”, heto muna ang totoo.
Sabi mismo ng Department of Education (DepEd): FAKE NEWS ‘yan.
Oo, tama ang basa mo. Ayon sa kanila, walang katotohanan ang post na ‘yan. May kumalat kasing larawan online — may pa-design pa na parang totoo talaga — na nagsasabing may dagdag na grade level na ipapatupad sa School Year 2025-2026. Ang kaso, imbento lang pala.
Hanggang Grade 12 pa rin ang Senior High School sa Pilipinas, gaya ng dati. Walang dagdag, walang bawas.
Sabi ng DepEd, “Maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala sa kung ano lang ang nakikita sa social media.” Alam mo naman sa panahon ngayon, kahit sino puwedeng gumawa ng kung ano-anong post at magpanggap na galing sa “official source.”
Kaya kung may balita kang nababasa online na medyo kahina-hinala, lalo na pagdating sa edukasyon, huwag munang maniwala agad.
Mas maganda kung i-double check mo muna sa opisyal na DepEd Facebook o website.
At habang andito na rin tayo sa usaping eskwela, heads-up na rin sa mga magulang at estudyante: June 16, 2025 ang balik-eskwela para sa susunod na academic year. At matatapos ito sa March 31, 2026 — balik na tayo sa normal na school calendar bago pa ang pandemya. Ayos, ‘di ba?
Kaya mga kababayan, mag-ingat sa maling impormasyon. Huwag basta-basta mag-share. Maging responsable tayong netizens — para sa kapakanan ng ating mga anak, guro, at ng buong edukasyon sa bansa.
Hanggang sa susunod nating usapan, ingat kayo lagi.
At tandaan — hindi lahat ng may magandang pubmat sa ­Social media ay totoo!
(Grace Batuigas)

Spread the love

LABAN KONTRA DROGA SA ILALIM NI MARCOS, PATULOY ANG TAGUMPAY

PHILIPPINE STOCK MARKET, UMARANGKADA MATAPOS ANG HALALAN