Kabayan nangako ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na ikokonekta na umano ang 11,964 unserved public schools sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o (GIDA) sa Free WiFi program ng pamahalaan bago matapos ang taong 2025.
Nabatid na ang rollout ay bahagi ng mandato ng ahensiya na magkaloob ng universal at abot-kayang connectivity.
Ibinida ng DICT, na pangunahing layunin na matiyak na lahat ng tao, saan man sila naroroon, ay magkakaroon ng access sa internet dahil naging pangangailangan na ito sa edukasyon, trabaho, negosyo, at pang araw-araw na buhay.
Nagpapatuloy ang pagpapatupad ng DICT sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “bongbong” Marcos Jr. na tiyakin na 100 porsyento ng public schools sa bansa ay konektado na bago matapos ang 2025.
Base sa datos, nasa 2,872 lamang ng 58,121 public schools sa bansa ang connected sa programa kaya marami ang umaasa sa mga pribadong provider para sa connectivity.
Well harinawa’y matupad ng pamahalaan ang mga commitment nito na ipatupad ang Free Wifi for All Program na inaasahang makakapag-tulay sa digital divide lalo na para sa mga Geographically Isolated and Disadvantage Areas sa buong bansa.
***
OMGA OFWs SA IBANG BANSA, PATULOY NA LUMULOBO.
KABAYAN, patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga Overseas Filipino Worker na naka-deploy sa iba’t ibang bansa.
Kung saan malaking tulong ito sa pagpapatatag ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa ipadadala nilang pera o remittances na mag-uudyok upang gumanda ang ekonomiya.
Samantala pinaplantsa na ng Pilipinas at ng bansang Finland ang pagkuha ng karagdagang Filipino workers na idedeploy sa nasabing bansa.
Nais ng gobyerno ng Finland nang mga bagong Filipino professionals at skilled workers.
Kasunod nito’y nakipagpulong na ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga opisyal ng Finland para sa ligtas at patas na labour mobility ng mga manggagawang Pilipino.
Nabatid na malaki ang pangangailangan ng Finland ng maraming manggagawa para palakasin ang kanilang labor market.
Kung saan sinusuportahan din ng Finland ang global workforce ng Pilipinas.
Kasaba’y nito’y tiniyak din ng dalawang bansa ang patuloy na pag-uusap, para sa mga susunod na hakbang sa pagpapalawak ng magandang ugnayan ng Pilipinas at Finland.
Para sa inyong mga reklamo at reaksyon magsend lamang sa thony.arcenal@gmail.com




