BATANGAS — Patuloy na inirereklamo ng mga residente at ilang civic groups ang umano’y talamak na operasyon ng mga iligal na pasugalan sa iba’t ibang bayan ng Batangas, kabilang ang mga E-SABONG na pinatatakbo umano nina ARIES ALVAREZ AT ALYAS JOHN CAPINPIN.
Ayon sa mga nagmamalasakit na mamamayan, tila walang aksiyon mula sa tanggapan ni PNP PROVINCIAL DIRECTOR COL. GEOVANNY ERICK SIBALO sa kabila ng paulit-ulit na reklamo hinggil sa mga operasyon ng saklaan, bookies, at iba pang uri ng sugal na tinaguriang “pergalan.”
Kabilang umano sa mga sangkot sa malawakang operasyon ng iligal na pasugalan ang mga kinilalang sina LARRY “BOKBOK”, JAYSON “TOMBOY”, AT DONYA YOLLY, gayundin ang tinatawag na “Big 4” ng saklaan at bookies sa lalawigan. Ipinagpapatuloy din umano ang mga aktibidad sa mga bayan ng Cuenca, Alitagtag, San Luis, at Lian, habang ang “majongan” naman ay hayagang isinasagawa sa palengke malapit sa Municipal Hall ng isang bayan.
Sa kabila ng mga ulat ng mga nawawalang sabungero, patuloy pa rin umanong umaandar ang operasyon ng E-Sabong nina ALVAREZ AT CAPINPIN, bagay na ikinababahala ng publiko. Naniniwala ang ilang residente at grupo na protektado umano ng ilang opisyal ang mga naturang aktibidad, dahil umano sa koneksiyon ng mga ito kay PCOL. SIBALO.
Hiling ng mga nagrereklamo na agad nang masawata ang mga naturang operasyon at managot ang mga sangkot sa pagpapatakbo at pagpapabaya sa mga iligal na sugal. Ayon sa kanila, kung mananatiling walang aksiyon mula sa tanggapan ng Provincial Director, ipapaabot nila ang kanilang reklamo sa PNP Chief.
Patuloy na binabantayan ng mga mamamayan at civic groups ang magiging tugon ng pamunuan ng PNP-Batangas sa isyung ito. Abangan—may karugtong!.(Latigo Reportorial Team)




