DUTERTE SA ICC: EPEKTO SA BANSA AT SARILI NATING HUDIKATURA!

MANILA – Ang pagharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay isang makasaysayang pangyayari sa larangan ng hustisya sa Pilipinas. Matapos ang mga kontrobersyal na kampanya laban sa iligal na droga noong kanyang administrasyon, ngayon ay haharap siya sa proseso ng pandaigdigang hukuman upang alamin kung nagkaroon nga ba ng paglabag sa karapatang pantao. Bagamat siya ay naaresto at kinakaharap ang mga sakdal, tandaan na nananatiling inosente ang dating pangulo hanggang sa mapatunayang nagkasala sa hukuman.

Ang unang hakbang sa prosesong ito ay ang Paunang Pagdinig (Pre-Trial), kung saan susuriin ng mga hukom ang mga ebidensya upang alamin kung may sapat na batayan para ituloy ang kaso. Dito masusukat kung may matibay na pundasyon ang mga paratang laban sa dating pangulo. Kung mapatunayang may “substantial grounds,” susunod ang Kumpirmasyon ng mga Sakdal (Confirmation of Charges).

Sa yugtong ito, mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga katibayan na ihaharap upang masiguradong patas ang proseso. Kung makumpirma ang mga sakdal, magsisimula ang Paglilitis (Trial). Dito magtutunggali ang prosekusyon at depensa sa pamamagitan ng pagpapakita ng ebidensya at pagpapatawag ng mga saksi. Sa puntong ito, makikita kung sino ang may mas matibay na argumento at katotohanan.

Kung mapatunayang nagkasala, darating ang hatol sa yugto ng Paghatol at Pag-apela (Judgment and Appeals). Ang sinumang partido ay maaaring mag-apela sa desisyon, at dito masusukat ang katatagan ng mga ebidensyang iniharap.

Ang pagkakadawit ng isang dating pangulo sa ICC ay may malawakang epekto sa iba’t ibang aspeto ng bansa. Sa larangan ng hudikatura, maaaring magdulot ito ng panghihimasok o pagkuwestiyon sa kakayahan ng ating sistema ng hustisya na maglitis ng sarili nitong mamamayan. Ang pagtutulungan ng lokal at pandaigdigang korte ay susubukin kung paano balansihin ang soberanya at ang pangako sa pandaigdigang kasunduan.

Sa aspeto naman ng ekonomiya, maaaring magkaroon ng pangamba ang mga mamumuhunan, lalo na kung magkakaroon ng negatibong persepsyon sa katiwalian at kawalan ng katarungan sa bansa. Ang pamumuhunan sa bansa ay posibleng maapektuhan, at maaari ring maramdaman ang kawalang-tiwala ng merkado sa gobyerno.

Sa larangan ng pamahalaan, maaaring magdulot ito ng pagkakabahagi sa pulitika at patuloy na debate sa pagitan ng mga tagasuporta at kritiko ng dating pangulo. Ang kasalukuyang administrasyon ay maaaring malagay sa alanganin sa paghawak ng sitwasyong ito, lalo na sa paningin ng internasyonal na komunidad.

Pagdating naman sa turismo, posibleng magkaroon ng negatibong epekto ang patuloy na kontrobersiya sa imahe ng bansa. Ang Pilipinas, ay mahaharap sa iba`t-ibang travel advisory dahil sa kaguluhang posibleng mangyari.

Ang prosesong ito ay isang hamon hindi lamang kay Duterte kundi sa buong bansang Pilipinas. Ito ang pagkakataon upang ipakita sa buong mundo na ang hustisya ay umiiral at walang kinikilingan, kahit pa sino ang nasasakdal. Anuman ang kalabasan ng paglilitis, mahalaga ang pagpapanatili ng katarungan at karapatang pantao.

Sa huli, ang laban na ito ay hindi lamang tungkol sa isang tao kundi sa pangkalahatang paninindigan ng bansa sa usapin ng karapatang pantao at hustisya. Nawa’y manaig ang katotohanan at maging gabay ang proseso sa pagpapalakas ng ating sistema ng katarungan. Ang pagkakaroon ng patas na paglilitis ang magpapatatag sa kredibilidad ng ating bansa sa pandaigdigang komunidad. (DJ Gealone)

Spread the love

RAVEL ADVISORY NG AUSTRALIA SA PILIPINAS

PEOPLE`S REFORM PARTY, INENDORSO SI MARCOLETA!