Valenzuela City — Patuloy na pinatutunayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangako nitong “walang iwanan” sa mga mahihina at nangangailangan sa pamamagitan ng kanilang KALAHI-CIDSS program. Kamakailan, isinagawa ng ahensya ang pamamahagi ng Cash-for-Work at TheraFee payouts para sa mga Persons with Disability (PWD) at mga tagapag-alaga ng mga indibidwal na may Total Permanent Disability (PTD).
Umabot sa 176 PWD ang nakatanggap ng tig-₱6,450 bilang kabayaran sa 20 araw nilang serbisyo sa mga paaralan, tig-apat na oras bawat araw. Kasabay nito, 168 pamilya na nagsisilbing caregivers ng mga PTD ang tumanggap din ng tig-₱6,450 para sa 10 araw ng pagbibigay ng pangangalaga sa kanilang mga tahanan, walong oras bawat araw.
Ayon sa DSWD, ang nasabing programa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang suporta sa mga sektor na higit na nangangailangan. Layunin nitong bigyang pagkakataon ang mga PWD at caregivers na kumita habang pinapahalagahan ang kanilang kontribusyon sa komunidad.
Dagdag pa ng ahensya, mananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng tulong at pagkakataon sa mga mahihina upang maitaguyod ang isang lipunang tunay na inklusibo at walang naiiwan. (Latigo Reportorial Team)




