MANILA — Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes na bukas siyang imbestigahan kaugnay ng umano’y PHP8-bilyong panukalang pagbili ng armas na tinanggihan ni dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III.
“If I’m called by Congress and Senate para ibigay lahat ng detalye, gagawin ko,” pahayag ni Remulla sa isang press conference sa Quezon City.
Dagdag pa ng kalihim, handa rin siyang sumailalim sa lie detector test upang patunayan na siya man ay hindi sumang-ayon sa naturang proposal.
Lumabas ang pahayag na ito kasunod ng mga alegasyon na tinanggal si Torre bilang PNP chief matapos umanong tumangging aprubahan ang naturang firearms deal.
Kinumpirma ni Remulla na natanggap ng kanyang opisina ang panukala isang buwan na ang nakararaan ngunit hindi tinukoy kung sino ang nagpadala nito.
“Sumulat ako kay General Torre at sabi ko sa kanya, siya ang competent na mag-judge kung ano quality ng product, kung kailangan ng product at kung pipirma siya kung i-o-order,” ani Remulla.
Ayon sa DILG chief, tinanggihan ni Torre ang panukala dahil hindi ito kailangan, bagay na sinang-ayunan din niya.(Nik Bendaña)




