Sa desisyong inilabas kamakailan ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte muling naharap ang Senado sa isang mahalagang tungkulin na pagbalanse sa pagitan ng sariling mandato at ng paggalang sa kapangyarihan ng hudikatura.
Sa ilalim ng Konstitusyon malinaw ang paghihiwalay ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng gobyerno. Ang hudikatura ang may huling salita sa pagpapaliwanag ng batas at ang desisyon nitong idineklarang “null and void ab initio” ang reklamo laban sa Pangalawang Pangulo ay malinaw na babala laban sa anumang paglabag sa due process.
Tama lamang na nagtakda ang Senado ng sapat na panahon hanggang Agosto 6 upang masusing pag-aralan ang 97-pahinang desisyon ng Korte kasama ang iba’t ibang opinyon ng mga mahistrado. Ngunit higit pa sa teknikal na deliberasyon ito ay pagkakataon para sa Senado na magpakita ng mataas na antas ng respeto sa batas at integridad sa pamamalakad.
Hindi maikakaila na may halong politika ang usaping impeachment. Ngunit kung uunahin ang prinsipyo kaysa pansariling interes maipapakita ng mga mambabatas na ang pamahalaan ay gumagalaw alinsunod sa itinakdang limitasyon ng Konstitusyon. Sa huli ang tunay na sukatan ng isang demokratikong institusyon ay kung paano ito kikilos kapag ang desisyon ng ibang sangay ng gobyerno ay salungat sa sarili nitong kagustuhan.
Ang Agosto 6 ay hindi lamang simpleng araw ng pagbubukas ng sesyon ito ay magiging pagsubok kung kaya bang isantabi ng Senado ang pulitika para sa mas mataas na interes ng bansa.(Grace Batuigas)




