DATING PANGULONG DUTERTE, HUMARAP SA ICC SA UNANG PAGDINIG

MANILA, Philippines — Humarap na sa unang pagdinig sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, alas-2 ng hapon oras sa The Netherlands (alas-9 ng gabi sa Manila).
Pinangunahan ng tatlong babaeng hukom ang pagdinig, na kinabibilangan nina Judge Lulia Antoanella Motoc, Reine Adilaide Sophie Alapini-Gansou, at Maria del Socorro Flores Liera. Ang mga nasabing hukom ang nag-isyu ng arrest warrant laban kay Duterte.
Ayon sa Article 60 ng Rome Statute ng ICC rules, ang sinumang may warrant of arrest sa ilalim ng Article 58 ay kinakailangang humarap sa Pre-trial Chamber upang basahan ng mga kasong kinahaharap. Para sa patas na proseso, nakasaad din na dapat isapubliko ang lahat ng initial appearances sa Pre-trial.
Samantala, iginiit naman ng legal team ni Duterte na kanilang isusulong ang ­pansamantalang paglaya ng dating pangulo mula sa kulungan ng ICC. Ayon sa kanila, walang sapat na dahilan para ikulong si Duterte, at kukuwestyunin din nila ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Kabilang sa legal team ng dating pangulo ang mga kilalang personalidad tulad nina dating Labor Secretary Silvestre Bello III, mga abogado na sina Martin Delgra, Israelito Torreon, Vic Rodriguez, Fred Lim, dating BIR Commissioner Cesar Dulay, at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Samantala, tiniyak naman ng embahada ng Pilipinas sa The Netherlands na nasa maayos na kalagayan si Duterte matapos sumailalim sa medical check-up sa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison.
Naghain na rin ang Philippine Embassy ng request sa Registry of the ICC para sa agarang “Consular Visit” upang madalaw si Duterte ng kanyang legal counsel at pamilya, alinsunod na rin sa hiling ng dating ­pangulo.
(Mario Batuigas)

Spread the love

Pagbibitiw ng mga miyembro ng PNP

RAVEL ADVISORY NG AUSTRALIA SA PILIPINAS