Dalawa ang nasawi—kabilang ang isang limang-taong-gulang na batang babae—matapos salpukin ng SUV ang ilang tao sa departure area ng NAIA Terminal 1 nitong Linggo ng umaga. Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, kasama ng biktima ang kanyang ina sa paghahatid sa amang OFW. Tatlo pa ang nasugatan at agad na dinala sa San Juan de Dios Hospital, habang kumpirmado ring isang adult male ang ikalawang nasawi sa insidente, ayon sa Philippine Red Cross.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na hindi sinadya ng driver ang pananagasa, ngunit nasa kustodiya na ito ng mga awtoridad at sinuspinde ng LTO sa loob ng 90 araw ang kanyang lisensya. Ayon sa driver, siya ay nag-panic matapos may diumano’y biglang dumaan sa harapan ng kanyang sasakyan, dahilan upang mapindot niya ang silinyador sa halip na preno. Gayunman, pinabulaanan ito ng CCTV footage. Patuloy ang imbestigasyon habang tiniyak ng NAIA management at San Miguel Corporation na maglalaan sila ng tulong sa mga biktima. (Bernadette Endonela)
