MANILA – Nanawagan ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato at kanilang mga tagasuporta na tanggalin ang mga iligal na campaign materials nang kusa at huwag nang hintayin ang utos mula sa ahensya.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Garcia, maaaring maharap sa kaso at posibleng madiskwalipika ang mga kandidatong lalabag sa mga panuntunan ng common poster areas sa darating na halalan sa Mayo 12.
“Ang mga kandidato ay kailangang agad na alisin ang kanilang mga campaign materials, kahit hindi pa sila nakakatanggap ng sulat mula sa amin.
Mahirap magkaroon ng kaso sa COMELEC. Hindi ito biro. Kailangan na nating simulan ang pagsasampa ng kaso,” ani Garcia sa isang panayam sa radyo.
Nagsimula na ang 45-day campaign period para sa mga lokal na kandidato nitong Biyernes.
Ayon sa COMELEC, isang araw bago ito magsimula, nakapag-alis sila ng trak-trak na iligal na campaign materials sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Maayos ang unang araw ng kampanya, kahit na napakaraming campaign materials at basura ang inalis namin mula sa iba’t ibang lugar,” dagdag ni Garcia.
Hinikayat din ng COMELEC ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng ordinansa upang maparusahan ang mga lumalabag sa campaign poster guidelines.
“Ang COMELEC ay limitado sa kung ano ang nakasaad sa batas. Sana sa hinaharap, makapagpatupad ang ating mga LGU ng ordinansa na magpapataw ng mas mataas na multa at parusa sa mga lalabag, kahit wala mang halalan,” paliwanag ni Garcia.
(Mario Batuigas)