PBGEN Lou Evangelista at PCOL Capoquian, deadma sa direktiba ng PNP-CIDG kontra ILLEGAL GAMBLING?
PANGASINAN – Sa kabila ng malawakang operasyon ng PNP-CIDG at mariing utos ni PNP Chief Francisco Marbil na pagpapasara sa mga nagkalat na iligal na pasugalan sa buong bansa, tila hindi pa rin nasisindak ang mga gambling operator sa lalawigan ng Pangasinan.
Mistulang hindi bahagi ng Pilipinas ang Pangasinan dahil sa garapalang operasyon ng mga iligal na sugalan sa probinsya. Wala ni katiting na takot ang mga gambling operator habang patuloy na sinisira ang kinabukasan ng mga Pangasinense.
Ayon sa sumbong ng ilang concerned citizens, kitang-kita umano ang operasyon ng mga sugalan sa nasabing lugar, ngunit ang mga nakaduty na pulis ay tila bulag at walang pakialam. Dahil ba sa diumano’y lingguhang “patong” na ipinapaabot ng mga iligalistang ito sa tanggapan diumano nina PBGEN Lou Evangelista at PCOL Capoquian?
Si RD at PD diumano ay ipinagmamalaki ng mga iligalistang ito, partikular na ang magkakaanak na IBASAN, na matagal nang namamayagpag at kinikilalang gambling lord sa lalawigan. Ipinagyayabang umano na milyon-milyon ang natatanggap ng mga opisyal na ito mula sa mga gambling operator bilang lingguhang proteksyon para sa kanilang ilegal na aktibidad.
Base sa reklamo ng concerned citizen, narito ang mga nagkalat na pasugalan na pinapanuod lamang ng Pangasinan PPO gaya na lang San Fabian, San Jacinto, Manaoag, Calasiao, Bautista, Malasiqui, Rosales, Brgy. Anolid, Brgy. Gueguesangen, Brgy. Talogtog, Mangaldan na pagmamay-ari ni Roland Ibasan; sa Binmaley na pinapatakbo nina Rene at Robin Ibasan; sa Basista, Alcala, Mapandan na si Rene Ibasan naman ang nagpapatakbo; sa Tayug at San Manuel na si Alyas Boss Tutoy ang operator; sa Brgy. Perez, Dagupan na si Alyas Lando at Ardee Ibasan ang magkakompetensya sa sugalan; sa Brgy. Maasin na si Gary Ibasan ang operator; at sa Brgy. David na si Alyas Apak ang nagpapatakbo. Halos lahat na yata ng bayan at lungsod ay mayroong mga nagkalat na pasugalan.
Sa kabila ng mga reklamong ito, tila diumano ay walang aksyon si PCOL Capoquian upang sugpuin ang mga iligal na gawain na ito. Maging ang tanggapan diumano ni RD PBGEN Lou Evangelista, eh tila hindi man lang gumawa ng aksyon kontra sa mga iligalista na ito.
Totoo ba na tumatanggap ng lagay ang tanggapan nina PBGEN Lou Evangelista at PCOL Capoquian? Kaya tila hindi nito inaaksyunan at kinakastigo ang makakapal na mukha ng mga iligalistang ito??? di kaya?
Maski tayo, ginawa natin ang lahat para maiparating sa kaalaman nina PD at RD ang tungkol dito… pero tila wala talaga tayong narinig at nakita na inaksyunan ito lalo na si PBGEN Lou Evangelista, kaya maski tayo ay nagtataka kung bakit tila hindi nila ito inaaksyunan? Hindi kaya totoo ang sumbong ng mga concern citizen?
Hindi naman tayo basta-basta naniniwala, ngunit kung patuloy ang pananahimik at hindi umaksyon itong sina PD at RD, eh talagang lalong lalakas ang hinala ng taumbayan na baka totoo nga na tumatanggap po kayo. Huwag naman po sana!
Kaya panawagan natin kay PD at RD, pakilusin na nila ang kapulisan, dahil tila niyuyurakan at nilalapastangan lamang ng mga iliglasitang ito ang PD 1602 maging ang kanilang mga pangalan. Aksyunan na po natin ito dahil kayo ang nandiyan sa AOR ninyo. Kayo ay alagad ng batas, patunayan niyo na kayo ay tapat sa inyong tungkulin. Ipasara ang mga nagkalat na pasugalang ito at ikulong ang mga operators na iyan.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin nating sinusubukan na makuha ang pahayag ni PCOL Capoquian at PBGEN Lou Evangelista kaugnay sa usaping ito.
Nananatiling bukas ang pahayagang ito upang maipaabot ang kanyang panig at anumang paglilinaw na nais niyang ipahayag, alinsunod sa prinsipyo ng patas at balanseng pamamahayag.
Abangan sa susunod na isyu, may kasunod pa! (Latigo Reportorial Team)