LUNGSOD NG MALOLOS — Tiniyak ni Gobernador Daniel R. Fernando, Chairman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), sa mga mamamayan ng Bulacan na walang dapat ipag-alala sa pagkasira ng Rubber Gate 3 ng Bustos Dam ngayong hapon, dahil hindi ito magdudulot ng pagbaha sa mga bayan at lungsod na nasa kahabaan ng Angat River.
“Wala pong dapat ikabahala ang ating mga kalalawigang naninirahan sa baybayin mula sa bayan ng Bustos hanggang Calumpit. Hindi po magdudulot ng pagbaha ang insidente ngayong hapon. Gayunpaman, sisiguruhin po natin na magkakaroon ng karampatang aksyon ang pangyayaring ito,” pahayag ni Fernando.
Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), naganap ang insidente ganap na alas-2:30 ng hapon nang masira ang rubber gate number 3 ng Bustos Dam.
Ayon sa ulat, ang sobrang init ng panahon ang naging sanhi ng pag-expand ng compressed air at gas sa loob ng rubber gate, dahilan upang ito ay tumagas at masira.
Sa kasalukuyan, ang lebel ng tubig sa Angat River mula Bustos hanggang Calumpit ay nananatili sa yellow markings o low level status. Ibig sabihin, ang paglabas ng tubig na may sukat na 2.38 metro ay hindi magdudulot ng panganib o pagbaha sa mga nasabing lugar.
Dagdag pa sa ulat, pagsapit ng alas-4:00 ng hapon ay bumalik na rin sa normal ang bilis ng agos at antas ng tubig sa ilog.
Samantala, matatandaang noong taong 2022 ay nagbigay na ng ultimatum si Gob. Fernando sa mga kontraktor ng proyekto — ang ITP Construction Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. — upang hindi lamang ayusin kundi palitan na ang lahat ng anim na rubber bladders ng Bustos Dam. Sa kabila nito, hindi pa rin ito naisasagawa hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy na minomonitor ng pamahalaang panlalawigan ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng Angat River. (Latigo Reportorial Team)
