BULACAN, PORMAL NA INILUNSAD ANG PAGDIRIWANG NG PHILIPPINE ENVIRONMENT MONTH

LUNGSOD NG MALOLOS – Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) ang pagdiriwang ng Philippine Environment Month ngayong Hunyo sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad na naglalayong palakasin ang pangangalaga at pagpapanatili ng kalikasan sa buong lalawigan.

Layon ng mga gawain ang pagpapataas ng kamalayan sa kalikasan at ang responsableng pamamahala sa likas na yaman. Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang mga teknikal na pagsasanay, pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, at mga programang nakatuon sa pagmomobilisa ng mga komunidad, lokal na pamahalaan, at mga stakeholder mula sa pribadong sektor.

Ilan sa mga pangunahing aktibidad ay ang Regional Mining Summit na pangungunahan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) mula Hunyo 4 hanggang 6 sa Orani, Bataan; ang Waste Analysis Characterization Study (WACS) Training sa Hunyo 17–18; at ang Capacity Building Workshop on Environmental Impact Assessment (EIA) para sa mga MENRO, CENRO, at mga teknikal na kawani ng BENRO sa Hunyo 19–20.

Makikiisa rin ang lalawigan sa pambansang paggunita ng Philippine Arbor Day sa Hunyo 25 sa pamamagitan ng sabayang pagtatanim at pagpapaunlad ng mga punongkahoy. Dagdag pa rito, dadalo rin ang BENRO sa Midyear Convention ng Multisectoral Movement for Environmental Protection (MMEP) sa Hunyo 28.

Buong buwan ay magsasagawa rin ang BENRO ng iba’t ibang inisyatibo tulad ng Continuous Environment Protection Operations (CEPO), kampanya sa Information, Education, and Communication (IEC), at regular na inspeksyon at pagmamanman sa mga establisyimentong pangkalakalan, proyektong pangkaunlaran, at pasilidad para sa pag-recover ng mga materyales. Isasagawa rin ang environmental tagging sa mga pabrika at industriyal na lugar sa buong Bulacan.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, ang selebrasyong ito ay paalala ng patuloy na paninindigan ng lalawigan para sa isang mas luntiang kinabukasan.

Ang ating pangako sa kalikasan ay hindi dapat matapos sa buwang ito lamang. Ito ay dapat maging pang-araw-araw na adbokasiya ng bawat Bulakenyo,” ani Fernando.

Ang Philippine Environment Month ay isa sa mga pinakamahalagang selebrasyon sa Bulacan na nagpapatibay sa malasakit at pagkilos para sa kalikasan. (Latigo Reportorial Team)

PCUP NAGLUNSAD NG PAGSASANAY SA TAMANG PANANALAPI SA BOHOL

37K PULIS PARA SA MAS LIGTAS NA PAGBUBUKAS NG KLASE SA HUNYO 16 – PNP

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"