Lungsod ng Malolos – Pinarangalan ang lalawigan ng Bulacan ng prestihiyosong Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan Award noong Marso 13, 2025 sa Malacañang Palace bilang pagkilala sa mahusay nitong pamamahala at pagpapadali ng proseso para sa mga namumuhunan.
Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama sina DILG Secretary Jonvic Remulla, DTI Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque, at SAP Secretary Frederick Go, ginawaran ang Bulacan dahil sa natatanging pagsusumikap nito sa pagpapalakas ng pamumuhunan alinsunod sa Executive Order No. 18, na nag-uutos sa pagtatatag ng Green Lanes for Strategic Investments. Sa temang “Making it Happen with a Whole-of-Nation Strategy,” layunin ng inisyatibang ito na mapabilis ang proseso ng pagnenegosyo at palakasin ang ekonomiya ng lalawigan.
Dahil sa pagpapatupad ng Green Lanes, nabawasan ang mga hadlang sa burukrasya, naakit ang mas maraming mamumuhunan, at napalakas ang kumpetisyon ng lalawigan sa larangan ng ekonomiya. Patuloy namang isinusulong ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) ang pagsuporta sa mga lokal na negosyo, pagpapalaganap ng inobasyon, at paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
“This milestone reaffirms Bulacan’s leadership in economic growth, sustainability, and investor-friendly governance,” ayon kay Atty. Jayric Amil, pinuno ng PCEDO.
Samantala, ipinahayag ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa parangal at nangakong ipagpapatuloy ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PGB) ang pagsisikap na mapabuti ang investment climate ng lalawigan.
“Ang pagtanggap ng Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan Award ay hindi lamang isang karangalan kundi isang patunay ng pagsusumikap ng ating lokal na pamahalaan at ng pagkakaisa ng ating komunidad,” ani Fernando.
Bukod sa Bulacan, kinilala rin sa nasabing parangal ang Laguna, Northern Samar, Cavite, Batangas, Ilocos Norte, at Lungsod ng General Trias.
Ang Gawad Bayanihan sa Pamumuhunan Award ay isang pagkilala sa mga local government unit (LGU) na nagpapamalas ng kahusayan sa pagpapalakas ng pamumuhunan at pag-unlad ng kanilang mga nasasakupan.
(Latigo Reportorial Team)
