LUNGSOD NG MALOLOS — Muling pinatunayan ng Lalawigan ng Bulacan ang kahusayan nito sa larangan ng agrikultura matapos itong kilalanin bilang National Finalist sa kategoryang Outstanding Provincial Local Government Unit sa Ika-50 Gawad Saka: Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda at 2025 National Farmers and Fisherfolks Month, na ginanap noong Lunes sa Philippine Trade Training Center sa Lungsod ng Pasay.
Tumanggap ng katibayan ng pagkilala sina Ma. Gloria SF. Carrillo, pinuno ng Provincial Agriculture Office, at Dr. Voltaire G. Basinang, pinuno ng Provincial Veterinary Office, bilang kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando. Iginawad ang pagkilala mismo ni Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Kalihim Tiu Laurel ang malaking papel ng mga magsasaka at mangingisda sa pag-unlad ng bansa. Aniya, “Ngayon, ang ating mga magsasaka at mangingisda ay hindi lamang tagalikha ng pagkain kundi mga tagapag-alaga ng kalikasan, guro, negosyante, at maging mga tagapagdala ng ating kultura — pinatatatag ng siyensya at pinapanday ng layunin.”
Bukod sa Pamahalaang Panlalawigan, pinarangalan din ang Bausa Integrated Farm and Training Center Inc. mula sa San Ildefonso bilang Outstanding Urban and Peri-Urban Agriculture Garden (Macrogarden), at ang Mang Danny’s Organic and Natural Farm mula sa Paombong bilang Outstanding Fisherfolk (Aquaculture).
Ang Gawad Saka ay itinuturing na pinakamataas na pagkilala ng Department of Agriculture (DA) para sa mga natatanging indibidwal at institusyong may mahalagang ambag sa pagpapayabong ng sektor ng agrikultura sa bansa. Sa loob ng 50 taon, ito ay naging simbolo ng paggalang at pagkilala sa sipag, tiyaga, at husay ng mga Pilipinong bayani ng lupa at karagatan. (Latigo Reportorial Team)