MALOLOS, BULACAN – Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagdiriwang ng ika-127 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 2025, sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain, Lungsod ng Malolos, na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Pinangunahan ng Pangulo ng Senado ng Pilipinas na si Sen. Francis “Chiz” Escudero ang makabuluhang selebrasyon bilang panauhing pandangal, kung saan kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat henerasyon tungo sa pag-unlad ng bansa.
“Dahil kapag pinagsama natin ang karanasan ng ipinanganak ng una sa mundo at ang lakas at sigasig ng pinanganak ng huli sa mundo, walang dahilan para hindi natin malampasan ang anumang hamon, anumang pagsubok, na kinakaharap ng ating bansa sa ngayon,” ani Escudero.
Mariin din niyang sinabi na ang kabataan ay hindi lamang dapat ituring na pag-asa ng bayan, kundi dapat “maaasahan na ng bayan” sa kasalukuyan.
“Para sa akin, ang kabataan hindi na dapat maging pag-asa lang ng bayan, kundi dapat maaasahan na ng bayan. Hindi nila kailangang maghintay na sila ay tumanda, magtapos, yumaman, magkatrabaho, magkapamilya, bago sila dapat maasahan ng bayan,” dagdag pa ng senador.
Samantala, nagpahayag din ng makabuluhang mensahe si Gobernador Daniel R. Fernando, na nagpapaalala sa mga Bulakenyo na ang kalayaan ay hindi lamang taunang selebrasyon, kundi isang responsibilidad ng bawat Pilipino sa araw-araw.
“Sa ating pagboto at pagpili ng mga pinuno, isinasapuso natin ang sakripisyong inialay ng ating mga bayani. Dahil ang kalayaang kanilang ipinaglaban ay hindi lamang karapatan, kundi pananagutang dapat gampanan,” ani Fernando.
“Ito ang bagong mukha ng kalayaan: ang kakayahang pumili ng tama; ang lakas ng loob na tumindig; at ang tapang na makiisa para sa ikabubuti ng bayan,” dagdag pa ng tinaguriang People’s Governor ng Bulacan.
Dumalo rin sa programa sina Bise Gobernador Alexis C. Castro, Bokal Richard A. Roque, PBGen. Jeffrey Z. Decena, Pulilan Mayor Maritz Ochoa-Montejo, Komisyoner Cecilia B. Tangian ng National Historical Commission of the Philippines, Mayor Christian D. Natividad ng Malolos, Kinatawan Danilo A. Domingo, Kinatawan Salvador A. Pleyto, at Rev. Msgr. Domingo M. Salonga ng Barasoain Church.
Sa pananalig sa pagkakaisa ng lahat ng henerasyon, muling pinatibay ng Bulacan ang paninindigan nitong maging ehemplo ng tunay na kalayaan, pagmamalasakit, at pagkakabuklod para sa isang mas maliwanag na kinabukasan ng bansa. (Latigo Reportorial Team)