Mga Ka-Latigo!
May bago tayong narinig mula sa bibig ni President Bongbong Marcos Jr. kamakailan: “We must continue the war against drugs but… we do it in a peaceful way.”
Isa itong pahayag na kaiba sa mga nasaksihan nating diskarte noon. Hindi na ito tungkol sa takutan, madugong operasyon, at balitang araw-araw may natatagpuang bangkay. Ngayon, binibigyang-diin ang isang “bloodless war on drugs.” Aba, Ka-Latigo, kung dati’y may kaba sa dibdib ng mga karaniwang mamamayan dahil sa maling hinala, ngayon tila may hangin ng pagbabago.
Habang ininspeksyon niya ang tone-toneladang shabu sa PDEA headquarters, mariing sinabi ng Pangulo na “we are beginning to see the good effects of the new policy.” At kung pagbabasehan nga ang mga datos, makikita nating hindi ito basta boladas lang. Mahigit 1,300 kilos ng shabu ang nakuha sa mga baybayin ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan—ang pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng bansa sa loob ng anim na buwan. Ang halaga? Lagpas walong bilyong piso!
Pero Ka-Latigo, ang mas mahalaga rito ay hindi lang ang dami ng nasabat kundi paano ito wawakasan?
“What we will do now ay titiyakin natin ang proper disposal nitong mga drogang ito… Basta hindi na lalabas, sisirain na natin,” sabi pa ng Pangulo.
Ayon sa kanya, idadaan ito sa thermal decomposition sa Capas, Tarlac.
Napapanahon talaga, mga Ka-Latigo, na ang laban sa droga ay hindi dapat umabot sa karahasan. Hindi lang ito dapat nakasentro sa mga user sa kanto, kundi sa mga malalaking sindikato na nagpapalusot ng droga sa bansa. Sa pahayag ni BBM, malinaw na tinutumbok ng pamahalaan ang itaas at ibabang lebel ng drug trade. Ang pagkakaiba lang—hindi ito kailangang idaan sa dahas.
Kaya mga Ka-Latigo, habang tumatanggap tayo ng ganitong uri ng balita, huwag tayong makuntento sa headline lang. Dapat nating bantayan ang tunay na resulta, suportahan ang makataong paraan, at higit sa lahat, tiyakin na hindi ito magiging palabas lang para sa midya.
Ang pangako ng makataong solusyon sa droga ay magandang simula, pero ang tunay na sukatan ay kung mababawasan na ba ang adik sa kanto, ang sindikatong namamayani, at ang takot ng mga taong walang kinalaman sa droga.
Sa bagong kabanata ng kampanya kontra droga, bagong pag-asa ang naghihintay dito.
Hanggang sa susunod nating kwentuhan. (Mario Batuigas)