Sinira ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-10 ang P156 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Northern Mindanao bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa tax evasion.
Ayon sa BIR, ang pagsira sa mga nasabat na produkto ay patunay ng kanilang matibay na paninindigan sa pagpapatupad ng batas sa buwis. Dumalo sa aktibidad ang mga opisyal ng ahensya, kasama ang iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Nasamsam ang mga sigarilyo mula Enero hanggang unang bahagi ng Marso sa suporta ng Police Regional Office-10 (PRO-10) sa ilalim ng pamumuno ni Police Brig. Gen. Jaysen C. de Guzman.
Samantala, iniulat ni Police Major Joanne G. Navarro, tagapagsalita ng PRO-10 Regional Public Information Office (RPIO), na nakumpiska ng pulisya ang P6.8 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Piraka, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte noong Marso 19.
Sa isang hiwalay na aktibidad, ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan ni Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Rommel Francisco D. Marbil ang ilang opisyal at tauhan ng PRO-10 dahil sa kanilang matagumpay na kampanya kontra droga.
Sa kanyang command visit sa Camp 1st Lt. Vicente G. Alagar, Cagayan de Oro City noong Marso 21, pinarangalan si Police Lt. Col. Ramon Christian Solis Laygo at 11 pang pulis matapos ang matagumpay nilang buy-bust operation noong Enero 10, 2025 sa Barangay Indahag, Cagayan de Oro City.
Nasamsam sa naturang operasyon ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P6.8 milyon. Dalawang hinihinalang tulak ng droga ang naaresto at kasalukuyang nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga. (Mario Batuigas)
