BIR KUMPIYANSANG MAKAKAMIT ANG PHP3.23-TRILYONG TARGET NA KOLEKSYON NGAYONG TAON

MANILA — Ipinahayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui nitong Martes ang kumpiyansa ng ahensya na makakamit ang PHP3.23-trilyong target na koleksyon para sa taong 2025, bunsod ng pinaigting na kampanya upang hikayatin ang mga mamamayan na magbayad ng tamang buwis.
Ayon kay Lumagui, base sa paunang datos ng ahensya para sa unang tatlong buwan ng taon, umabot sa PHP668.79 bilyon ang nalikom na buwis hanggang katapusan ng Marso—kulang lamang ng PHP3.2 milyon sa itinakdang PHP671.99-bilyon na target para sa quarter.
Mas mataas ito kumpara sa PHP593 bilyong nakolekta sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
“Para sa taong 2025, ang target natin ay PHP3.23 trilyon. Sa kasalukuyan, maganda ang takbo ng ating koleksyon batay sa mga programang ipinatutupad at sa performance mula Enero hanggang Marso,” pahayag ni Lumagui sa panayam sa mga mamamahayag sa huling araw ng filing ng income tax returns.
Binanggit din ni Lumagui na malaking bahagi ng koleksyon ay magmumula sa buwis sa kita o income tax. Target ng BIR na makalikom ng PHP208 bilyon ngayong Abril 2025, kung saan inaasahan nilang aabot sa 1.4 milyong indibidwal at negosyo ang magfa-file ng kanilang buwis.
Itinuring din ng BIR Chief na malaking tulong sa kanilang operasyon ang digitalisasyon ng mga proseso, pati na ang pagpapatupad ng online payment systems. Ayon sa kanya, habang may ilan pa ring nagsusumite ng manu-mano, dumarami na ang mga gumagamit ng teknolohiya upang mas mapadali ang kanilang buwis filing.
Nagbabala rin si Lumagui na ang mga hindi nakapagsumite ng kanilang tax returns sa itinakdang deadline ay mahaharap sa kaukulang parusa gaya ng 12% interes, 25% surcharge, at compromise charge.
Patuloy na nananawagan ang BIR sa publiko na suportahan ang kampanya para sa tamang pagbabayad ng buwis bilang ambag sa pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa.(Mario Batuigas)

Spread the love

PATULOY NA SEGURIDAD SA GITNA NG PAGBABALIK-BIYAHE – NCRPO

High-profile na kaso