BIGAS NA P29, MAS PINALAWAK SA KADIWA

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE – Tinatlong beses ng pamahalaan ang suplay ng P29 kada kilong bigas para sa mga mahihirap at bulnerableng pamilyang Pilipino sa mga Kadiwa store, ayon sa opisyal ng National Food Authority (NFA).
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagtaas ng bilang ng bigas na maaaring bilhin kada buwan mula 10 kilo patungong 30 kilo para sa bawat benepisyaryong pamilya.
Pinalawak din ng Department of Agriculture (DA) ang saklaw ng P29/kilo rice program sa pamamagitan ng pagdagdag ng mas maraming Kadiwa store sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang programang ito, na inilunsad noong nakaraang taon, ay bahagi ng inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang makapaghatid ng dekalidad na bigas sa halagang P29 kada kilo sa tinatayang 6.9 milyong bulnerableng pamilya o humigit-kumulang 35 milyong Pilipino.
Nagsimula ang pilot testing ng nasabing programa sa 10 Kadiwa store sa Metro Manila at Bulacan, at ngayon ay pinalalawak na ito sa iba pang Kadiwa outlets.
Ang bigas na ibinebenta sa halagang P29 ay mula sa mga aging stocks ng NFA at nakalaan para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), mga solo parent, senior citizen, person with disabilities (PWDs), at mga katutubong Pilipino.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), layunin ng 4Ps na mapaunlad ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0 hanggang 18 taong gulang sa pamamagitan ng conditional cash grants.
Samantala, sinimulan na rin ng pamahalaan ang pagbebenta ng P33 kada kilong bigas sa mga Kadiwa store sa mga resettlement site bilang bahagi ng programang pangkaligtasan sa pagkain para sa mga benepisyaryo ng pabahay ng gobyerno.
Ayon kay National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, ang pagbebenta ng P33 kada kilo ng bigas ay nagsimula ngayong Abril at inaasahang mas maraming Kadiwa store ang magbubukas mula ngayon hanggang Mayo 2025 sa iba’t ibang lugar. (Kian Q)

OPISYAL NA BALOTA PARA SA LOCAL ABSENTEE VOTING, IPINAMAHAGI NA NG COMELEC

PABAHAY PARA SA LAHAT

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"