Simula na nga ng election fever! Hindi lang mga kandidato ang abala ngayon—pati ang ating mga kapulisan, nasa full alert status na simula pa noong Mayo 3. Oo, kabayan, buong Philippine National Police (PNP), handang-handa na para sa midterm elections na gaganapin sa Mayo 12.
Ayon mismo kay PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, naka-full alert na ang buong hanay ng PNP para siguraduhing magiging mapayapa, malinis, at maayos ang halalan.
Sa madaling sabi, bawal ang gulo, bawal ang pananakot, at higit sa lahat—bawal ang dayaan.
At hindi lang ‘yan. Inutos na rin ng liderato ng PNP na maging standby ang kanilang mga Reactionary Standby Support Forces (RSSF), Quick Reaction Forces (QRF), at iba’t ibang regional units para kung sakaling may kaguluhang sumiklab, mabilis silang makakakilos. Sa mga voting centers naman, may dagdag-seguridad din, lalo na sa mga tinatawag nilang critical areas.
Pero teka lang, mga kababayan, hindi lang ito trabaho ng pulis. Trabaho rin natin ‘to. Sabi nga nila, “Kapag may nakita kang kahina-hinala, i-report agad.” Hindi na uso ngayon ang tikom-bibig kapag may mali kang nakita. Tandaan natin, ang boto ay boses—at ang boses ng bayan, hindi dapat patahimikin.
Ngayong papalapit na ang halalan, doble-ingat tayo. Alamin ang tamang impormasyon, iwasan ang fake news, at higit sa lahat—bumoto ng ayon sa konsensya. Huwag tayong papaapekto sa pananakot o panlilinlang.
Sama-sama nating bantayan ang halalan. Dahil kung may tunay na bantay sa demokrasya—eh ‘di tayo ‘yun, mga mamamayan. (Mario Batuigas)
