BAKIT RAMPANT PA RIN ANG ILLEGAL GAMBLING SA BATANGAS AT LAGUNA?

CALABARZON — Sa kabila ng matagal nang mga reklamo at paulit-ulit na ulat ng lantaran at malawakang operasyon ng iligal na sugal sa mga lalawigan ng Batangas at Laguna, nananatiling tikom ang bibig ng mga hepe ng pulisya sa dalawang probinsya.
Sina PCOL Ricardo Dalmacia ng Laguna PNP at PCOL Jacinto Malinao ng Batangas PNP ay hindi umano nagpapakita ng kahit anong pagkilos upang supilin ang mga aktibidad ng sugal sa kani-kanilang nasasakupan. Habang patuloy ang pagdagsa ng mga ulat mula sa mga residente, tila ba piniling balewalain ng mga opisyal ang kanilang mandato laban sa kriminalidad.
Sa Laguna, aktibong nag-ooperate ang mga sugal gaya ng “color game” at “drop ball baraha” sa ilalim ng mga peryahan sa mga lungsod ng Santa Rosa, Biñan, Cabuyao, at San Pedro. Ayon sa mga sumbong, pinamumunuan umano ang mga sugalang ito ng mga kilala sa alyas na Judith, Baby P., Edu, Elmer, at Rommel. Malalakas umano ang koneksyon ng mga ito sa ilang tiwaling opisyal ng pulisya, dahilan upang hindi sila mapasok o mahuli.
Sa kabilang banda, mas agresibo ang operasyon ng sugal sa Batangas, kung saan ang mga bayan ng San Pascual, San Juan, Balayan, Lipa, at Malvar ay tila naging pugad na ng iligal na aktibidad.
Ilang residente ang nagsabing gabi-gabi ay may hindi bababa sa ­sampung mesa ng sugal sa bawat peryahan, bukas hindi lamang sa matatanda kundi pati sa mga menor de edad na umaasa sa suwerteng kapalit ng ilang baryang puhunan.
Hindi umano problema ang impormasyon. Ayon sa mga lokal, batid ng mga awtoridad ang eksaktong lokasyon at oras ng operasyon ng sugal, subalit tila walang intensyong supilin ito. Sa halip, nangingibabaw ang pananahimik.
Mas lalong lumalala ang sitwasyon dahil sa umano’y sistemang “tara”, kung saan ­lingguhang binabayaran ng mga operator ang ilang barangay at lokal na opisyal kapalit ng proteksyon at katahimikan.
Isang hayagang pagyurak sa Presidential Decree 1602, na naglalayong sugpuin ang iligal na sugal sa bansa.
“Nagsasayang lang kami ng laway sa pagsumbong sa mga pulis. Wala silang ginagawa. Kung hindi sila bulag, baka kasabwat pa sila,” ani ng isang residente mula sa Cabuyao.
Dahil dito, direkta na ang panawagan ng mamamayan sa pambansang pamahalaan, partikular sa liderato ni PBGEN Lucas, upang silipin at aksyunan ang umano’y kapabayaan at posibleng pakikipagsabwatan nina Dalmacia at Malinao sa mga operator ng sugal.
Hiling ng publiko ang agarang relieve at masusing imbestigasyon sa dalawang opisyal.
“Habang ang ­taumbayan ay naghihirap, ang mga operator ay nagpapakasasa sa kita ng sugal, at ang mga opisyal ay tahimik. Hanggang kailan kami magbubulag-bulagan?” tanong ng isang residente ng Batangas na tumangging magpakilala sa takot.
Ang hamon ngayon ay nakasalalay sa pambansang pamahalaan at sa Philippine National Police — kung sila ba’y kakampi ng taumbayan o ng mga sugalan. Isa itong litmus test kung may ngipin pa nga ba ang batas sa Pilipinas, o kung isa na lamang itong piraso ng papel sa gitna ng umiiral na katiwalian. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

BULACAN, WAGI NG MARAMING PARANGAL SA IKA-50 GAWAD SAKA AWARDS

SSS OPENS NEW SERVICE OFFICE IN TAYTAY, RIZAL TO IMPROVE ACCESSIBILITY AND SERVICE EFFICIENCY