Alam mo, kaibigan, hindi biro ang usapin ng halalan, lalo na pagdating sa teknolohiya. Kaya hindi na nakapagtataka na kamakailan lang, umingay ang pangalan ni Atty. Harold Respicio dahil sa isang napakahalagang isyu: ang koneksyon ng Automated Counting Machine o ACM sa internet habang bumoboto ang taumbayan.
Sabi nga ni Atty. Respicio, paano mo nga naman masisigurado ang integridad ng halalan kung ang mismong makina na bumibilang ng boto ay naka-online habang nangyayari ang botohan? Aba, malaking banta ‘yan! Isipin mo, kung naka-connect ang ACM, may posibilidad itong mapasok o manipulahin ng mga hindi awtorisadong grupo. Isang click lang, puwede nang baguhin ang kinabukasan ng bayan.
Eh, sa totoo lang, kung babasahin mo ang COMELEC Resolution No. 11076, wala naman daw talagang malinaw na direktiba doon noon na nagsasabing huwag ikonekta ang ACM sa internet habang bumoboto pa ang mga tao. Kaya naman, kinulit talaga ni Atty. Respicio ang COMELEC – at buti na lang, napakinggan siya!
Ngayon, may bagong guidelines na inilabas ang COMELEC. Sa Annex B ng bagong resolusyon, malinaw na malinaw na:
“Bago paandarin ang ACM sa araw ng halalan, siguraduhing walang modem o network cable na nakasaksak sa ACM port. Hinding-hindi dapat, sa kahit anong oras habang bumoboto, na nakakabit ang modem o ethernet cable sa makina.”
Klaro, ‘di ba? Hindi na puwedeng palusutin ang mga koneksyon-koneksyon na ‘yan habang nagsasagawa ng eleksyon.
At heto pa – dahil sa pagsisikap ni Atty. Respicio, nagkaroon din ng liwanag ang isinampang cyberlibel case laban sa kanya sa Manila Prosecutor’s Office, na isinampa ni COMELEC Chairman. Mukhang magiging malinis na ang pangalan niya matapos mapatunayan na para sa ikabubuti ng halalan ang kanyang mga suhestiyon.
Sa panahon ngayon, hindi na natin pwedeng ipagsawalang-bahala ang seguridad ng ating boto. Isang maliit na butas sa sistema, puwede nang magdulot ng malaking problema.
Kaya saludo tayo sa mga katulad ni Atty. Respicio na hindi natakot magsalita para sa kapakanan ng bayan. Tandaan natin, bawat boto natin, boses natin ‘yan. At bawat boses natin, dapat protektado! (DJ Gealone)
