Lungsod ng Malolos — Matapos ang pagkasira ng ikatlong gate ng Bustos Dam noong Mayo 1, mariing hiniling ni Gob. Daniel R. Fernando na agarang mapalitan ang mga natitirang rubber gates ng dam at mapanagot ang kontraktor na responsable sa umano’y paggamit ng substandard na materyales.
Sa ginanap na pagpupulong sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng National Irrigation Administration (NIA) noong Mayo 21 sa NIA Command Center sa Quezon City, iginiit ni Fernando na dapat ipatawag ng Kongreso ang TP Construction, Inc. – Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co., Ltd. Consortium upang maimbestigahan sa umano’y kapabayaan nito.
“Nananawagan ako sa ating mga mambabatas na ipatawag ang kontraktor upang mabigyang-linaw ang naging pagkukulang nila. Dapat nating malaman kung bakit ganito ang naging kalidad ng pagkakagawa,” ani Fernando.
Binanggit rin ng gobernador kay NIA Board Member Eduardo “Eddie” G. Guillen ang agarang pangangailangan na palitan ang limang natitirang gate bago pa man dumating ang tag-ulan, upang maiwasan ang mas malalang insidente lalo na’t naghahanda na ang mga magsasakang Bulakenyo sa kanilang taniman.
“Kapag dumating ang malalakas na ulan at hindi na kinaya ng mga natitirang gate, maaaring magkaroon ng malawakang pinsala. Hindi na natin puwedeng hintayin pang lumala,” dagdag ni Fernando.
Samantala, iginiit ni Abogado Danilo A. Domingo sa NIA na agad gamitin ang pondo na inilaan para sa pagpapalit ng mga nasirang bahagi ng dam.
“Hindi na dapat patagalin pa. Kailangang magamit na agad ang pondong ito dahil kung hindi, mas malaki pa ang magiging pinsala sa pagdating ng malalakas na bagyo,” ani Domingo.
Nitong Mayo 7, nagpadala na ang NIA ng liham sa Office of the President upang humiling ng P1.5 bilyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga rubber gate ng Bustos Dam. Sinusugan ito ni Fernando, sabay diin na dapat maprayoridad ang nasabing pondo at mapanagot ang kontraktor.
Ayon naman kay Congresswoman Augustine Dominique “Ditse Tina” C. Pancho, kailangang isaalang-alang ang pabagu-bagong klima at mas mataas na heat index sa panahon ngayon, na siyang nagpapalala sa epekto ng mga sirang imprastruktura sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Samantala, iminungkahi ni Congressman-elect Mark Cholo I. Violago na dapat ma-blacklist na ang kontraktor kahit magpalit pa ito ng pangalan, upang hindi na muling makakuha ng anumang proyekto mula sa pamahalaan.
Nagpahayag naman ang NIA ng kanilang pangakong pangungunahan ang paghahanap ng solusyon, ngunit umaasa rin sila sa suporta ng lalawigan upang maitulak ito sa Kongreso at sa Office of the President kung kinakailangan.
Sa harap ng banta ng paparating na tag-ulan at panganib sa agrikultura ng Bulacan, umaasa ang mga opisyal ng lalawigan na agad na maaksiyunan ang panawagan para sa kaligtasan at kapakanan ng mga Bulakenyo.(Latigo Reportorial Team)