Parang teleserye na naman — pero hindi ito KathNiel, Piolo o Coco Martin. Ito ay ang kasong kriminal na ilang taon nang kinakaharap ni dating Senadora Leila De Lima. At heto na naman tayo, balik sa umpisa… o hindi nga ba?
Kamakailan lang, sinabi ng Court of Appeals (CA) na walang bisa ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na nag-acquit kina De Lima at Ronnie Dayan sa isa sa mga kasong may kinalaman sa droga. Aba’y teka — hindi ba’t final na ang acquittal? Hindi ba’t bawal nang balikan yan dahil sa tinatawag na double jeopardy?
Well, ito ang medyo kumplikado. Hindi raw sinabi ng RTC kung anong eksaktong parte ng testimonya ni dating BuCor chief Rafael Ragos ang binawi niya. At kung hindi malinaw kung alin ang binawi, paano natin masasabi kung paano ito nakaapekto sa buong kaso?
Sabi ng CA, hindi raw sapat na sabihin lang ng RTC na “may reasonable doubt” dahil sa pag-retract ni Ragos. Gusto ng CA ng malinaw na paliwanag — anong parte ng ebidensya ang nabura? Aling element ng krimen ang nawala? Sa madaling salita, hinahanap nila ang buod at lohika ng desisyon — parang teacher na gusto ng malinaw na sagot sa essay question, hindi puro feelings lang.
Pero hindi rin naman nagpahuli si De Lima. Kalma lang siya, at sinabing klaro pa rin ang acquittal niya. “Legal pa rin ito,” aniya. Kung may kulang man daw sa paliwanag, makikita naman ang sagot sa mga records ng kaso. At kung kailangan, aakyat sila hanggang Korte Suprema para linawin ito.
Tama rin naman siya sa isang bagay: hindi sinabi ng CA na “bawi na ang acquittal.” Ang gusto lang nila: i-review ulit, at ipaliwanag nang maayos. Parang sinasabi ng guro: “Wala akong binagsak, gusto ko lang ulitin mo ang sagot mo — this time, may detalye.”
Ang tanong ngayon: Ito ba ay simpleng usapin ng legalidad? O may mas malalim na kulay ang desisyong ito? Kasi, sa tagal na rin ng laban ni De Lima — mula sa pagkakakulong hanggang sa kanyang pagtakbo muli sa Kongreso — hindi natin maiiwasan na magtanong: Bakit ngayon ulit binuhay ang usapin?
At gaya ng dati, habang ginugugol natin ang oras sa pag-unawa sa legal na jargon, minsan ang tunay na tanong ay ito: Paano natin sinisigurado na ang batas ay hindi nagagamit sa pangingibabaw ng kapangyarihan, kundi sa pagtataguyod ng hustisya?
Kaya tayo, mga kababayan, habang nag-aabang sa susunod na kabanata ng kasong ito — magtanong tayo, makialam, at manatiling mapagmatyag. Sa huli, ang hustisya ay hindi lang usapin ng korte — kundi usapin ng taong bayan. (Grace Batuigas)
