ABUSADONG LTO OPISYAL, SIBAK KAY DOTR SEC. DIZON

Hindi lang traffic enforcers ang dapat nating iwasan sa kalsada — pati na rin pala ang ilang opisyal ng LTO, aba’y marunong ding manapak at manipa! Oo, Parekoy, hindi ito pelikula ni FPJ, totoong nangyari ito sa Tuguegarao, Cagayan.

Dalawang opisyal ng LTO Region II — sina Assistant Regional Director Manuel Baricaua at si Charles Ursulum — ay tinanggal na sa kanilang pwesto matapos makuhanan sa video na nananakit ng dalawang kababayan natin. Isa pa nga raw ay menor de edad, kaya’t lalo nating dapat tutukan, Parekoy.

Ang sabi ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, hindi na raw kailangan ng masyadong paligoy-ligoy pa. “Anong imbestigasyon pa ba ang kailangan mo?” ika nga niya. Kitang-kita raw sa video kung paanong tinadyakan ng mga opisyal ang mga biktima. Eh kung gano’n, Parekoy, kahit tayo siguro, mapapa-‘Walanghiya!’ na lang.

Pero teka, bago ka magalit nang todo, sinabi rin ni LTO Chief Vigor Mendoza na pinairal pa rin ang due process. Nabigyan naman daw ng pagkakataon ang dalawang opisyal na magsalita. Nakapagsumite na raw ng kanilang panig. Ang problema lang, hindi nila napatunayan na hindi totoo ang nasa video. Eh ‘di sipa talaga!

Ang tanong ngayon, Parekoy, anong klaseng serbisyo publiko ang inaasahan natin kung mismong mga taong dapat magpatupad ng batas ay sila rin palang lumalabag sa karapatang pantao? Hindi ba’t nakakagalit isipin na ang perang buwis na kinokolekta mula sa atin, ay napupunta lang pala sa mga taong abusado?

Salamat na lang at may mga pinuno tayong gaya ni Secretary Dizon na hindi bulag sa mga ganitong kalokohan. Hindi niya pinalampas, at agad siyang umaksyon. Lumiham pa raw siya sa Office of the President para permanenteng tanggalin si Baricaua. Aba’y saludo tayo diyan, Parekoy!

Ngayon, inaasikaso na raw ng DOTr ang pagtulong sa mga biktima para makapagsampa ng kaso. Sana’y tuluy-tuloy na ang hustisya. Hindi dapat matulog ang isyung ito sa mga opisina ng gobyerno. Hindi lang ito simpleng iskandalo — ito ay malinaw na pang-aabuso ng kapangyarihan.

Kaya ikaw, Parekoy, kung sakaling may nakita kang ganitong pangyayari — huwag kang matakot. I-video mo, i-report mo. Dahil sa panahon ngayon, ang cellphone mo ay armas laban sa katiwalian. At ang boses mo, ay boses ng pagbabago.

Hanggang sa muli, Parekoy. Bantayan natin ang kalsada — at ang mga dapat nagbabantay rito.

P.S. May karapatan tayong lahat sa maayos, ligtas at makataong serbisyo — kahit saan mang ahensiya ng gobyerno. ‘Wag nating hayaan na abusuhin ito, Parekoy.

KAMPO NI VP SARA, NAGHAIN NA NG SAGOT SA IMPEACHMENT COURT

SONA, PERSONAL NA BINABANTAYAN NG PANGULO ANG PAGHAHANDA

Leave a Reply

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"