MALOLOS CITY — Isang makabuluhang araw ang ipinagdiwang ng 322 senior citizens na edad 80 pataas at isang centenarian matapos silang pagkalooban ng pamahalaang lungsod ng Malolos ng cash gift bilang pagkilala at pagpapahalaga sa kanilang kontribusyon sa lipunan.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) – Malolos, isinagawa ang pamamahagi ng mga cash gift noong Hulyo 16, 2025 sa OSCA Building sa loob ng New Malolos City Hall Compound. Bawat senior citizen na edad 80 pataas ay tumanggap ng tig-₱10,000 habang ang isang centenarian ay binigyan ng ₱100,000 cash gift.
“Inexpand nila, dati ang binibigyan lang ng national government ay yung mga umaabot ng 100 years old. Eh ngayon ginawa nilang expanded dahil kung minsan, yung mga centenarian, ‘di na kilala yung tao. Kaya bata pa lang, 80, binibigyan na ng cash gift na ten thousand,” ani OSCA Chairman Angelito L. Santiago.
Ito ay alinsunod sa bagong batas na Republic Act 11982 o Expanded Centenarians Act of 2024, na nagbibigay ng pinansyal na insentibo sa mga senior citizens sa milestone ages na 80, 85, 90, 95, at 100 taon.
Upang maging kwalipikado, kailangang magpalista ang mga senior citizens sa kanilang barangay president na siyang mag-eendorso ng listahan sa OSCA. Mula roon, ito ay dadaan sa tanggapan ni Mayor Atty. Christian D. Natividad bago ito isumite sa National Commission of Senior Citizens para sa pondo.
Samantala, tiniyak din ng OSCA ang kaligtasan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng maayos na iskedyul ng distribusyon kada barangay, pag-iwas sa siksikan, at pagkakaroon ng mga rescue personnel sa lugar ng aktibidad.
Sa programang ito, ipinapakita ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang tunay na malasakit sa mga nakatatanda at ang patuloy na pagsuporta sa kanilang pangangailangan. (Latigo Reportorial Team)