LUNGSOD NG MALOLOS — Isang makabuluhang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ang isinagawa nitong Hunyo 11, 2025, sa Robinsons Place Malolos, kung saan 22 Bulakenyo ang agad na natanggap sa trabaho sa isinagawang Pre-Independence Day Job Fair.
Sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.”, layunin ng job fair na bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Bulacan na makamit ang pinansyal na kalayaan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng hanapbuhay. Umabot sa 513 na aplikante — 259 lalaki at 254 babae — ang dumagsa sa Level 4 ng nasabing mall upang mag-apply sa mga alok na trabaho.
Sa kabuuan, 117 aplikante ang naging “near-hired,” na nangangahulugang malapit na silang matanggap sa trabaho — kabilang dito ang 42 lalaki at 75 babae. Sa pagtatapos ng araw, 22 aplikante (8 lalaki at 14 babae) ang opisyal nang tinanggap ng mga kumpanyang lumahok.
Ang job fair ay matagumpay na naisakatuparan sa tulong ng Provincial Government of Bulacan sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE). May 23 lokal na kumpanya ang lumahok, na nag-alok ng mahigit 1,500 na trabaho mula entry-level hanggang skilled positions.
Bilang dagdag na serbisyo, nagkaroon din ng “One-Stop Shop” na kinabibilangan ng pitong ahensya ng gobyerno tulad ng BIR, DFA, PSA, NBI, PhilHealth, PAG-IBIG, at SSS upang tumulong sa mga dokumentaryong kinakailangan ng mga aplikante.
Sa mensaheng inihatid ni Rossele Anne Cruz, tagapagsalita ni Gobernador Daniel R. Fernando, muling iginiit ng gobernador na ang Araw ng Kalayaan ay hindi lamang paggunita sa nakaraan kundi isang pagkakataon upang ihanda ang kinabukasan.
“Sa pamamagitan ng job fair na ito, binibigyan natin ng pagkakataon at kalayaan ang bawat isa na mangarap, magtagumpay, at magbigay ng kontribusyon sa ating pag-unlad. Sa bawat trabahong maibibigay ay isang pinto ng pag-asa ang nagbubukas para sa mas magandang kinabukasan,” ani Fernando.
Samantala, isa sa mga bagong hired na si Aprille Claudette Hernandez, 25 taong gulang mula sa Lungsod ng Malolos, ay nagpaabot ng kanyang pasasalamat matapos matanggap bilang office staff sa Swarm Resources Corporation.
“’Yung job fair po na ito ay nakapagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga wala pang trabaho o naghahanap pa lang ng trabaho. Kaya po maraming salamat po sa oportunidad na ibinigay ng Provincial Government of Bulacan, at sana po ay marami pa po kayong matulungan,” ani Hernandez.
Ang matagumpay na job fair ay patunay na ang tunay na diwa ng kalayaan ay ang pagbibigay ng pag-asa, oporunidad, at direksyon tungo sa mas maunlad na kinabukasan para sa bawat Bulakenyo.