15 PULIS, KONEKTADO SA SABUNGERO CASE AYON KAY SOJ REMULLA

Ka-Latigo, isang tanong ang paulit-ulit na gumugulo sa isipan ng sambayanan—hanggang kailan ba natin hihintayin ang katarungan para sa mga nawawalang sabungero? Sa loob ng tatlong taon, tila paulit-ulit na lang ang pangako ng imbestigasyon at paghahanap ng katotohanan, pero wala pa ring malinaw na resulta. Nitong Biyernes, isang panibagong yugto ang isinulat sa mahabang kuwento ng pangungulila ng mga pamilyang naiwan.

Isinailalim na raw sa restricted duty ang 15 pulis ng PNP na hinihinalang sangkot sa pagkawala at umano’y pagpatay sa ilang sabungero mula 2021 hanggang 2022. Oo, Ka-Latigo, limangput-limang araw na lang at tatlong taon na ang lumipas pero ngayon lang sila inilagay sa limitadong tungkulin. Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi lang sila basta-bastang sangkot kundi sila pa raw ang nagpatupad ng mga pagpatay.

Isipin mo ‘yon. Mga alagad ng batas na dapat ay tagapagtanggol ng buhay at karapatan, pero sila pa raw pala ang may kamay sa pagkawala ng mga inosente. Sabi pa ni Secretary Remulla, kailangang ihiwalay na sila at hindi na muna pakilusin sa aktwal na operasyon. Tama lang, pero sapat ba ‘yun?

Kanina, nakipagkita kay Remulla at ilang DOJ officials ang mga pamilya ng mga biktima. Tila ba sariwa pa rin ang sakit, tila kahapon lang sila nawala. Kung tutuusin, may pangalang binanggit na ang sinasabing utak ng krimen—si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy. Siya na ring gustong maging testigo sa kaso. Ayon sa kanya, may direktang kinalaman daw ang negosyanteng si Atong Ang at ang dating aktres na si Gretchen Barretto. Isang matinding paratang na hindi biro.

Pero sa parehong araw, tumanggi si Ang sa lahat ng akusasyon. Sumunod din si Barretto sa pagbibigay ng pahayag para pasinungalingan ang mga paratang. Natural lang ‘yan, Ka-Latigo, dahil sa bigat ng kaso, walang aamin agad-agad. Pero kung totoo man ang sinasabi ni Patidongan, tila organisado at sistematiko ang pagdukot at pagpatay sa mga sabungerong ito.

Isa sa mga pinakanakabibigla ay ang pahayag na tinapon daw ang bangkay ng halos 100 katao sa Taal Lake. Nilagyan pa raw ng buhangin bilang pabigat. Ka-Latigo, kung totoo ito, napakasakit at nakakakilabot. Hindi lang ito simpleng krimen. Isa itong masaker.

Pero gaya ng sabi ni Secretary Remulla, ginagawa raw nila ang lahat, hindi sila titigil, at walang batong hindi tinitignan. Maganda sanang pakinggan ‘yan, Ka-Latigo, pero alam naman nating madalas sa ating bayan, mabilis lang ang aksyon kapag mainit ang isyu. Kapag humupa na ang ingay, tila nalilimutan na ang mga pangako.

Ang tanong natin ngayon, Ka-Latigo: magkakaroon ba ng hustisya ang mga nawawalang sabungero? At kung sakaling mapatunayan ngang may kinalaman ang ilang pulis, mga kilalang personalidad, at matataas na opisyal—may mananagot ba talaga?

Huwag sana tayong mawalan ng pag-asa, pero huwag din tayong tumigil sa pagtatanong. Dahil sa bandang huli, ang tunay na hustisya, hindi dapat inaabot ng taon. Dapat ito’y mabilis, patas, at tunay. Hanggang sa susunod, Ka-Latigo, manatili tayong mapagbantay. (Mario Batuigas)

FRONT PAGE

SMART, GREEN, AND LIVEABLE CITY ISUSULONG NI MAYOR NATIVIDAD SA KANIYANG PANGATLONG TERMINO

HANDA NA ANG KAPULISAN SA SONA!

MR. MARIO BATUIGAS

President & CEO of Latigo Handang Maglingkod Foundation, I

"HANDANG MAGLINGKOD KAILANMAN AT SAANMAN"