MALOLOS, BULACAN — Muling pinatunayan ni Mayor Christian D. Natividad ang kanyang matatag na malasakit at pang-unawa sa mga senior citizens ng Lungsod ng Malolos sa isinagawang pamamahagi ng social pension nitong Hunyo 23, 2025 sa Robinsons Place Malolos. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, 1,259 na kwalipikadong nakatatanda ang nakatanggap ng tig-₱3,000 na ayuda bilang suporta sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Ang matagumpay na distribusyon ng social pension ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 3, City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na pinamumunuan ni Lolita SP. Santos, RSW, at Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) sa pamumuno ni Chairman Angelito Santiago.
Ayon kay Jerome V. Caliwara mula sa CSWDO-CAD, ang nasabing payout ay bahagi ng pambansang programa ng DSWD na pinopondohan ng national budget at ipinamamahagi ng mga lokal na pamahalaan gaya ng Malolos.
Hindi natatapos dito ang malasakit ng pamahalaang lungsod. Ayon sa opisyal na anunsiyo, magpapatuloy ang pagbibigay ng tulong ngayong Hunyo 24 para sa mga senior citizens na may edad 80 pataas, gayundin ang hiwalay na distribusyon ng localized social pension para sa mga Persons with Disabilities (PWDs), bilang pagkilala sa mga karapatan ng lahat ng sektor ng lipunan.
Sa ilalim ng liderato ni Mayor Natividad, tunay na ipinapakita ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos na walang iniiwan at walang pinapabayaan—lalong-lalo na ang ating mga lolo’t lola na siyang haligi ng ating lipunan. Ang kanyang masigasig na pamumuno ay patunay ng isang gobyernong may puso, tumutupad sa pangako, at tunay na kasama sa bawat yugto ng buhay ng kanyang mga kababayan.(Latigo Reportorial Team)