Zamboanga City — Isang makabuluhang hakbang para sa kapakanan ng mga maralitang tagalungsod ang isinagawa sa pamamagitan ng pormal na paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Region 9, Social Housing Finance Corporation (SHFC), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region 9, at ng Confederation of Zamboanga City Homeowners Association Inc.
Layunin ng nasabing kasunduan na pagtibayin ang kooperasyon ng mga ahensya upang mas mapalawak ang abot ng serbisyo ng pamahalaan para sa marginalized sector, kabilang na ang mga programang pangkabuhayan, abot-kayang pabahay, at pangkalahatang pag-unlad ng komunidad.
Ang seremonya ay isang patunay ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagsusulong ng kapakanan ng mga mamamayan, lalo na sa Zamboanga City kung saan matindi ang pangangailangan para sa mga serbisyong panlipunan.
Bilang bahagi rin ng programa, isinagawa ang Women’s Month Celebration: Pampering Session to Honor and Recognize Women in Nation Building na nagbigay-pugay sa mahalagang papel ng kababaihan sa pagtataguyod ng komunidad at bansa.
Sa ilalim ng pamumuno ni PCUP Chairperson at CEO Meynard A. Sabili, inaasahang mas paiigtingin pa ang mga proyekto at programang pangkaunlaran na magbibigay ng mas maayos na pamumuhay sa bawat maralitang Pilipino, katuwang ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Ang inisyatibong ito ay isang malinaw na halimbawa ng tunay na bayanihan para sa ikabubuti ng sambayanan. (Latigo Reportorial Team)
