328 BARANGAY PARA SA CHILD DEVELOPMENT CENTERS, PINONDOHAN NG PANGULO!

Sa gitna ng maraming hamon na kinakaharap ng bansa, isang magandang balita ang hatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—ang pagkakaloob ng pondo para sa pagtatayo ng Child Development Centers (CDCs) sa hindi bababa sa 328 na mahihirap na barangay sa buong Pilipinas ngayong taon.
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng proyektong ito. Ang pagkakaroon ng CDC sa bawat barangay ay hindi lamang pagsunod sa Republic Act No. 6972 na nag-aatas ng ganitong pasilidad, kundi isang konkretong hakbang tungo sa paghubog ng isang matatag at may kalidad na kinabukasan para sa kabataang Pilipino.
Malinaw ang layunin ng Pangulo, mabigyan ng ligtas, masaya, at makabuluhang espasyo ang mga kabataan kung saan sila maaaring makapaglaro, makapagbasa, at matuto. Higit pa rito, magsisilbi rin ang mga CDC bilang sentro ng developmentally appropriate learning materials, pananaliksik, at makabagong inobasyon sa early childhood education—isang aspeto ng edukasyon na matagal nang kulang sa pansin ngunit napakahalaga.
Ang positibong pananaw ng administrasyon sa pagbibigay halaga sa early childhood care and development ay isang hakbang na dapat ipagdiwang. Ipinapakita nito na may tunay na malasakit sa kabataan, na sa murang edad pa lamang ay nararapat nang bigyan ng maayos na pundasyon para sa kanilang pag-unlad.
Ang pakikipagtulungan ng mga Local Government Units (LGUs) sa proyektong ito ay higit pang nagpapalalim sa kahalagahan ng bayanihan. Sa pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan, masisiguro ang kalidad, pagkakumpleto, at pagpapatuloy ng mga CDC sa bawat sulok ng bansa—mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Napapanahon ang paalala ng Pangulo sa mga magulang na ang pagbasa ng kwento sa kanilang mga anak ay isang simpleng gawain ngunit may napakalaking epekto sa kanilang pagkatuto.
Sa ganitong paraan, naipapakita rin na ang edukasyon ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno, kundi ng buong sambayanan.
Sa kabuuan, ang inisyatibang ito ay isang paalala na kung nais natin ng maunlad at matatag na bansa, kailangan nating magsimula sa pinakapayak na hakbang, yun ay ang pag-alaga at paghubog sa ating mga anak bilang mabuting tao at edukadong mag-aaral. Sa pagtatayo ng CDCs, itinatayo rin natin ang haligi ng isang bagong henerasyong mas handang humarap sa bukas.
Mabuhay ang mga proyektong tunay na para sa kabataan!
(Mario Batuigas)

Spread the love

Zero Gender-Based Violence sa Gitnang Luzon – CHR Region 3

“MISOGYNISTIC JOKE” NG ISANG KANDIDATO, NAKAKASUKA HINDI NAKAKATAWA!