MANILA—Isang makabagong herbal medicine para sa diabetes ang binuo ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Manila College of Pharmacy, sa pangunguna ni Assistant Professor Raymond Fernando Yu. Layunin ng proyektong ito na makapagbigay ng abot-kayang alternatibo sa mamahaling synthetic medications upang matulungan ang milyun-milyong Pilipinong may diabetes.
Ayon kay Yu, mayaman ang bansa sa likas-yamang maaaring pagkunan ng gamot, subalit marami pa ang hindi natutuklasan at nagagamit. Sa pamamagitan ng pagproseso ng mga halamang gamot sa pamilyar na anyo tulad ng tabletas, mas pinadadali ang pag-access ng publiko sa naturang lunas. Ang produktong tinawag na “Tuklas Lunas” herbal antidiabetic tablet ay gumagana sa pamamagitan ng pagpigil sa α-glucosidase enzyme na responsable sa pagbabago ng carbohydrates tungo sa glucose.
Batay sa pananaliksik, may kakayahan ang tableta na pigilan ng hanggang 50% ang aktibidad ng α-glucosidase enzyme sa dosis na 100 parts per million. Dahil dito, naiiwasan ang biglaang pagtaas ng blood sugar na maaaring magdulot ng malulubhang komplikasyon tulad ng sakit sa puso, pagpalya ng bato, at nerve damage.
Bukod sa pagiging epektibo at abot-kaya, maaari rin itong inumin kasabay ng regular na gamot. Kabilang sa mga pangunahing plant-based compounds na taglay ng produkto ang cardiac glycosides, saponins, flavonoids, alkaloids, at tannins—mga natural na sangkap na may positibong epekto sa pagpapababa ng blood sugar levels. (Kian Q)