Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ng United Arab Emirates (UAE) sa pagbibigay ng kapatawaran sa 115 Pilipinong nakakulong bilang bahagi ng pagdiriwang ng Banal na Buwan ng Ramadan at Eid-Al-Fitr.
Ayon kay Pangulong Marcos, personal siyang inabisuhan ng Embahador ng UAE sa Maynila tungkol sa pagpapalaya ng 115 Pilipino ngayong taon. Matatandaang 143 Pilipino ang pinatawad noong Eid-Al-Adha ng nakaraang taon, at 220 naman noong pagdiriwang ng Pambansang Araw ng UAE.
“Ang makataong hakbang na ito ay patunay ng matibay na ugnayan ng ating mga bansa, na makikita sa halos isang milyong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa UAE. Gayundin, ito ay isang patunay ng mainit na pagkakaibigan at paggalang sa pagitan ko at ni Sheikh Mohamed bilang mga pinuno ng ating mga mamamayan,” ani ng Pangulo.
Nagpapasalamat ang pamahalaang Pilipino sa UAE sa makataong aksyon na ito, na nagpapakita ng diwa ng habag at pagbibigay ng pangalawang pagkakataon, lalo na sa panahon ng Ramadan.
Ayon sa Pangulo, ang pagkakaloob ng kapatawaran ay nagdadala ng pag-asa at kasiyahan sa mga pamilya ng mga Pilipinong napalaya, lalo na sa mga matagal nang nawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kasabay ng pagdiriwang ng makasaysayang pangyayaring ito, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang pangako ng Pilipinas at UAE na patuloy na palakasin ang kanilang bilateral na relasyon.
Samantala, kinumpirma ng Embahada ng UAE sa Maynila ang opisyal na komunikasyon nito sa Department of Foreign Affairs-Office of the Middle East and African Affairs (OMEAA) noong Marso 28, 2025, kung saan hiniing ang tulong sa pagpapadala ng mga pangalan ng mga napalaya.
Bilang tugon, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng matibay na ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at UAE, na nagpapakita ng respeto at kooperasyon ng dalawang bansa.
“Ang pagbibigay ng kapatawaran na ito ay hindi lamang nagdudulot ng kasiyahan sa mga pamilya ng ating mga kababayan kundi isa ring patunay ng pangako ng UAE sa mga makataong halaga,” pagtatapos ng Pangulo. (DJ Gealone)