Sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, muling pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato at partidong pampulitika na mayroon pa silang huling pagkakataon upang iparehistro ang kanilang mga online campaign platforms.
Sa bisa ng Memorandum 250507, pinalawig ng Comelec ang deadline ng pagpaparehistro hanggang Marso 31, 2025, ganap na 11:59 PM—isang pinal at hindi na muling palalawigin pang pagkakataon.
Ang pagpapalawig na ito ay tugon ng Comelec sa mga hinaing ng iba’t ibang sektor hinggil sa mga teknikal na suliraning kanilang naranasan, gaya ng hindi ma-access na registration links, timeout sa online forms, at pagkaantala sa paghahatid ng mga kinakailangang dokumento. Ayon kay Commissioner-in-Charge Nelson Celis ng Task Force KKK sa Halalan, layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang mas malawakang partisipasyon at pagsunod sa regulasyon ng digital campaign.
Ang sapilitang pagpaparehistro ng Online Campaign Platforms ay isang bagong inisyatiba ng Comelec upang mapalakas ang transparency at accountability sa digital election campaigns. Sa pamamagitan nito, masusubaybayan ang mga opisyal na social media accounts, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang internet-based platforms na ginagamit sa pangangampanya.
Mahalagang maunawaan ng bawat kandidato at partido na ang digital space ay hindi ligtas sa regulasyon.
Sa panahon ngayon, kung saan ang social media ay may malaking impluwensya sa pananaw ng publiko, dapat tiyakin na ang bawat plataporma ay sumusunod sa itinatakdang mga alituntunin.
Ang kawalan ng tamang pagpaparehistro ay maaaring magdulot ng legal na problema na maaaring makaapekto sa kanilang kandidatura.
Kaya naman, sa mga kandidatong hindi pa nakakapagparehistro, ito na ang huling tawag. Gamitin ang natitirang oras upang sumunod sa regulasyon at ipakita ang kanilang dedikasyon sa isang patas at transparent na halalan. Ang pagsunod sa batas ay isang paunang hakbang sa pagiging responsableng pinuno. Sa makabagong panahon ng teknolohiya, nararapat lamang na ang kampanya ay hindi lamang masigasig kundi makatarungan at maayos ding naisasaayos ayon sa mga patakarang itinakda ng Comelec. (Grace Batuigas)
