BULACAN, KINILALA SA IMPACT AWARDS 2025

LUNGSOD NG MALOLOS – Muling pinatunayan ng Lalawigan ng Bulacan ang husay nito sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan matapos kilalanin ng Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) sa ginanap na IMPACT Awards 2025 sa Best Western Metro Plus, Lungsod ng Angeles, Pampanga kahapon.
Sa seremonya, tinanggap nina Provincial Health Office (PHO) II Dr. Hjordis Marushka Celis at PHO I Dr. Edwin Tecson ang dalawang parangal para sa Bulacan sa ngalan ni Gobernador Daniel R. Fernando. Ang mga ito ay ang IMPACT Award on Infectious Diseases Program-Bronze Award at ang Champion Partner for Infectious Diseases Program Implementation award. Ang mga parangal ay ipinagkaloob nina DOH Undersecretary for the UHC HSC Area I (Northern and Central Luzon) Cluster Dr. Mathew Glenn Baggao at DOH-CLCHD Regional Director Dr. Corazon I. Flores.
Ayon kay Usec. Baggao at RD Flores, mahalaga ang pro-active, data-driven, at community-centered na mga estratehiya sa epektibong pagpigil at pamamahala ng mga nakakahawang sakit. Binibigyang-diin din nila ang halaga ng matibay na pakikipagtulungan at naka-target na mga interbensyon upang matiyak ang isang mas malusog na komunidad.
Bukod sa Bulacan, kinilala rin ang Lungsod ng San Jose del Monte sa pamamagitan ng Excellence Award on Local Response for Infectious Diseases. Samantala, nakuha naman ng mga Bayan ng Doña Remedios Trinidad at Plaridel ang Excellence in Deworming Coverage award.
Ang IMPACT Awards ay isang patunay ng pangako ng DOH-CLCHD sa pagpapataas ng kalidad ng pampublikong kalusugan. Pinaparangalan nito ang dedikasyon ng mga indibidwal at institusyong patuloy na kumikilos upang bumuo ng mas malusog at mas matatag na Gitnang Luzon. (Latigo Reportorial Team)

Spread the love

PABALIK-BALIK SILA SA SENADO BAKIT GANITO PA RIN? – MARCOLETA

PCUP AT MCKS, NAGHANDOG NG WHEELCHAIRS AT QUAD CANE SA LIPA