Pahayag ni Cong. Rodante Marcoleta sa Team Alyansa.
Matapang na ipinarating ni Senatorial Candidate Rodante Marcoleta ng Team Alyansa ang kanyang saloobin tungkol sa matagal nang mga problemang kinakaharap ng bansa at ang patuloy na pagbabalik ng mga dati nang mambabatas sa Senado.
“Lahat nga po ng problema ay inabot na natin. Pagkatapos, maglalakas pa sila ng loob na lalapit muli sa inyo sa kabila ng maraming panahong ginugol nila doon?” ani Marcoleta sa isang talumpati sa harap ng kanyang mga tagasuporta.
Binatikos din niya ang tila paulit-ulit na kalagayan ng bansa sa kabila ng mga nakaraang administrasyon. “Pabalik-balik sila sa Senado, bakit ganito pa rin?” dagdag niya, na mistulang hamon sa kasalukuyang sistema ng pamamahala.
Ayon kay Marcoleta, kinakailangan ng bagong liderato na tunay na magtataguyod sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, hindi lamang sa panahon ng kampanya kundi sa kabuuan ng kanilang panunungkulan. Iginiit din niyang panahon na upang magkaroon ng pagbabago sa pamumuno, lalo na’t marami pa rin sa mga mamamayan ang naghihirap sa kabila ng mga pangakong pagbabago mula sa mga nakaraang senador.
Samantala, positibo naman ang naging tugon ng mga tagasuporta ni Marcoleta, na naniniwalang siya ay isang lider na may paninindigan at malasakit sa kapwa.
“Tama si Marcoleta, panahon na para bigyan ng pagkakataon ang mga tunay na may malasakit sa bayan,” ayon sa isang residente ng Bulacan na dumalo sa pagtitipon.
Habang papalapit ang halalan, lumalakas ang panawagan para sa pagbabago sa Senado, na ayon kay Marcoleta ay dapat nang bigyang-pansin upang tuluyang maiangat ang estado ng bansa at mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino. (Latigo Reportorial Team)