CALAMBA CITY, Laguna — Hinimok ng Philippine Information Agency (PIA) ang kabataan na gamitin ang kanilang impluwensya upang labanan ang paglaganap ng pekeng balita sa social media.
Sa West Philippine Sea Symposium na ginanap sa Calamba City noong Marso 19, binigyang-diin ni PIA Director-General Katherine De Castro na malaki ang papel ng kabataan sa pagpapalaganap ng katotohanan, lalo na sa panahon ng digital na impormasyon.
“Tulad ng sinabi ni Gat Jose Rizal, ‘Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’ Kayo ang henerasyong may pinakamalawak na akses sa impormasyon, kaya kayo rin ang may pinakamalaking responsibilidad na tiyakin ang tagumpay ng katotohanan,” ani De Castro.
Isa sa pinakamalaking suliranin ngayon ang fake news, ayon kay De Castro, dahil hindi lamang nito naaapektuhan ang pananaw ng publiko kundi pati na rin ang pambansang seguridad at integridad ng demokrasya.
Ipinaliwanag niya na may mga dayuhang grupo na gumagamit ng social media upang magpalaganap ng maling impormasyon at pahinain ang posisyon ng Pilipinas sa mahahalagang isyu tulad ng usapin sa West Philippine Sea. Layunin umano ng mga taktikang ito na guluhin ang pampublikong talakayan at lumikha ng kalituhan sa hanay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni De Castro na ang pagpapakalat ng pekeng balita ay ginagamit upang hatiin ang opinyon ng publiko, manipulahin ang demokrasya, at kontrolin ang pananaw ng mamamayan tungkol sa West Philippine Sea dispute.
Dahil dito, hinimok niya ang mahigit 500 estudyante at kabataang lider na maging mapanuri sa pagkuha ng impormasyon, gumamit lamang ng mga mapagkakatiwalaang mapagkukunan, at maging responsable sa social media sa pamamagitan ng hindi pagpapakalat ng hindi beripikadong balita.
“Higit pa ito sa usapin ng pekeng balita. Ito ay may kaugnayan sa ating kalayaan at soberanya sa West Philippine Sea.
Ang hinaharap ng katotohanan ay nasa inyong mga kamay. Kayo ang susunod na henerasyon ng mamamahayag, lider, at tagapagtanggol ng ating bansa,” dagdag niya.
Bilang bahagi ng symposium, inilunsad ng PIA, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), National Youth Commission (NYC), at Pamahalaang Lungsod ng Calamba, ang kampanyang Maging Mapanuri: Media and Information Literacy Campaign.
Ipinakilala ni PIA Laguna Information Center Coordinator Christopher Hedreyda ang kampanya, kung saan itinampok ang papel ng kabataan sa paglaban sa maling impormasyon at disimpormasyon sa digital media platforms.
Sa harap ng lumalalang paglaganap ng pekeng balita, nananatiling sandigan ng katotohanan ang kabataang Pilipino. (Grace Batuigas)
