Camp BGen Pantaleon Garcia, Lungsod ng Imus, Cavite — Nahuli ang isang street-level drug suspect sa isinagawang buy-bust operation ng Tanza Municipal Police Station noong Marso 12, 2025, bandang alas-9:35 ng gabi sa Barangay Amaya 2, Tanza, Cavite.
Kinilala ni PLTCOL Al-Rieza S. Kinang, Officer-in-Charge ng Tanza MPS, ang suspek na si Chris, 45 taong gulang at residente ng Barangay Amaya 2, Tanza, Cavite. Inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 32.50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php 221,000.00, batay sa standard drug price. Kabilang sa mga ebidensyang narekober ang dalawang (2) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng ilegal na droga, isang (1) kulay asul na coin purse, at isang (1) isang-libong pisong perang ginamit bilang buy-bust money. Upang matiyak ang integridad ng operasyon, gumamit ang mga operatiba ng alternatibong recording device para sa dokumentasyon.
Ayon sa paunang ulat, sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa mga kaukulang probisyon ng RA 9165. Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay ipapadala sa Cavite Provincial Forensic Unit para sa kumpirmatoryong pagsusuri. Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng Tanza MPS ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kaso.
Pinuri naman ni PCOL Dwight E. Alegre, Acting Provincial Director ng Cavite PPO, ang dedikasyon ng Tanza MPS at ng buong Drug Enforcement Team sa kanilang patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng ating matatag na hangarin na sugpuin ang ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon upang pangalagaan ang ating komunidad at tiyakin ang isang drug-free na Cavite. Hinihikayat namin ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapahayag ng anumang kahina-hinalang gawain na makakaapekto sa kapayapaan at kaayusan,” pahayag ni PCOL Alegre.(Latigo Reportorial Team)