Sa patuloy na pagsusumikap ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na mapabuti ang buhay ng mga maralitang Pilipino, isinagawa ng ahensya ang iba’t ibang pagsasanay at programa upang matulungan ang urban poor communities sa bansa.
Sa Negros Occidental, pinangunahan ni PCUP-Field Operations Division for Visayas (PCUP-FODV) Area Coordinator Mr. Edmark G. Sabordo ang Capability Building Training (CBT) sa paggawa ng liniment at pagmamasahe. Sa pakikipagtulungan ng Alternative Learning System (ALS) at Urban Poor Affairs and Housing Office (UPAHO), 80 miyembro mula sa Saklay Poblacion at Federation of Bago City Associations of Basic Sectors (FEBCABS) ang nabigyan ng kaalaman upang magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan.
Samantala, sa Quezon City, nagsagawa ang PCUP-FOD NCR ng Financial Literacy and Leadership Training sa Bistekville 15, Brgy. Sauyo. Pinangunahan nina Ms. Rose Ann Velasco at Mariel Garcia ang pagsasanay upang bigyang-diin ang kahalagahan ng responsableng pamamahala ng pananalapi at mahusay na pamumuno. Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Kagawad Luz Palomer Savilla at Konsehal Vic Bernardo, na nagpakita ng suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng champorado sa mga kalahok.
Sa larangan naman ng pabahay, isinagawa ang site visit at survey sa BLISS Project ng Brgy. Cagay, Roxas City.
Pinangunahan ito nina PCUP-FODV Area Coordinator Ms. Nikka Laurice V. Navarro at Roxas City Housing Head Engr. Juvy Tabaranza upang tiyakin ang kalagayan ng mga benepisyaryo ng proyekto. Napag-alamang may mga residente na hindi pa natatanggap ang kanilang titulo ng lote, kaya’t nangako ang PCUP na ipaaabot ito sa Local Housing Board (LHB) upang mapabilis ang proseso.
Kasabay nito, sa Cebu City, ginanap ang workshop tungkol sa kahalagahan at komposisyon ng By-Laws para sa mga opisyal ng Sitio Tago-on HOA at Lupa Hills HOA. Layunin nitong bigyang-linaw ang papel ng By-Laws sa isang organisasyon at ihanda ang kanilang akreditasyon sa PCUP.
Sa Caloocan City, isinulong din ng PCUP-FOD NCR ang Gender and Development (GAD) Seminar na pinangunahan ni Area Coordinator Ms. Merlyn Sunga. Si Santaner “Santy” Iray ang naging resource speaker na nagbigay ng talakayan tungkol sa karapatan ng kababaihan at gender equality, na layuning palakasin ang kamalayan ng mga maralita sa usaping ito.
Samantala, sa Tacloban City, isinagawa ang Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Training para sa Kauswagan Cluster 6 Guadalupe Heights Phase 1 HOAI. Pinangunahan ito ng PCUP-FODV Area Coordinator Ms. Sheryll Ann E. Mate katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) at lokal na pamahalaan. Tinalakay dito ang fire safety at emergency preparedness upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad sa panahon ng sakuna.
Sa Palo, Leyte, 22 miyembro ng Smooth Hands Home-Based Workers Association ang lumahok sa Basic Orientation Seminar (BOS) na isinagawa ng PCUP-FODV. Pinangunahan ito ni Area Coordinator Ms. Ritchel C. Radaza, kung saan itinuro ang tamang proseso ng akreditasyon at livelihood programs ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa pamumuno ni PCUP Chairperson & CEO, Hon. Meynard A. Sabili, patuloy na itinataguyod ng Komisyon ang kapakanan ng mga maralitang Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan, pabahay, at pagsasanay na magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mas magandang kinabukasan.(Latigo Reportorial Team)
