Ang pagsisimula ng konstruksiyon ng Concepcion Dos Super Health Center sa Lungsod ng Marikina ay isang malinaw na patunay ng seryosong hangarin ni Mayor Maan Teodoro na itaguyod ang kalusugan at kapakanan ng kanyang mga nasasakupan. Sa panahon kung saan ang mga mamamayan ay patuloy na humaharap sa mga hamon ng kakulangan sa serbisyong medikal, malaking hakbang ang pagtatayo ng ganitong uri ng pasilidad.
Hindi ito basta ordinaryong health center. Ang apat na palapag na gusali ay inaasahang magsisilbi hindi lamang para sa mga pangunahing pangangailangang medikal kundi magbibigay rin ng espesyal na serbisyo para sa mga batang may autism at iba pang espesyal na pangangailangan. Isang makataong proyekto ito na nagbibigay-pansin sa sektor na madalas na napapabayaan.
Kapuri-puri rin ang desisyon ng lokal na pamahalaan na isagawa ang proyekto sa pamamagitan ng administrasyon mismo, sa halip na iasa sa mga pribadong kontratista. Sa ganitong paraan, mas natitiyak ang transparency, pagtitipid sa pondo, at direktang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Ang ganitong pamamalakad ay dapat tularan ng ibang lungsod at bayan sa bansa.
Sa ganitong proyekto, muling ipinakikita ng Marikina ang kultura ng disiplina, maayos na pamamahala, at malasakit sa mamamayan—mga katangiang matagal nang naging tatak ng lungsod.
Sa panahon ng kawalang-tiwala sa maraming proyekto ng pamahalaan, ang hakbang na ito ay nagbibigay pag-asa na may mga lider pa ring tapat sa kanilang pangako at tunay na naglilingkod para sa tao.
Ang Concepcion Dos Super Health Center ay hindi lamang gusali; ito ay simbolo ng pangmatagalang pangarap ng isang komunidad para sa mas maayos, mas inklusibo, at mas makataong serbisyong pangkalusugan.(Grace Batuigas)




